Advertisers
SAANG lugar sa Pilipinas? Marahil ay sa rehiyon lamang ng CALABARZON at MIMAROPA matatagpuan ang sangkaterbang iligalista na kundi man kapitan ng barangay ay retirado o kaya ay aktibong pulis.
Sa ating pitak noong Biyernes (October 15, 2020), tinukoy natin ang mga iligalistang gambling operator sa Lipa City. Sa 22 jueteng maintainers doon ay 18 ang nanunungkulang barangay chairman at isa ay retired police official.
Sa munisipalidad naman ng Padre Garcia ay apat ang illegal gambling operator, dalawa ay barangay kapitan, isang ex-barangay chairman at isang aktibong miyembro ng PNP.
Ganito na talaga yata ang mukha ng kawawa nating Pinas, parang naging lisensya na at pribilihiyo ang pagiging barangay chairman upang malayang makapag-mantine ng iligalidad kaya libreng-libre sila at di makanti ng kapulisan at iba pang awtoridad.
Paano pa ba titino ang ating lipunan kung aabot sa 80 percent na kapitan ng barangay ay ilegalista na dadagdagan pa ng active police personnel at retired policeman ang sangkot din sa gawaing labag sa batas?
Matindi man ang babala ni Department of Interior (DILG) Secretary Año at Usec. for Barangay Affairs, Martin Diño na parurusahan ang mga kabesa de barangay na sangkot sa mga ilegal na gawain ay balewala rin naman kung puro ngakngak lamang at wala naman silang naipaghaharap ng sakdal, naipakukulong at nasisipa sa tungkulin.
Kung hindi aaksyon sina Año at Diño ay walang makapipigil sa kabulastugan ng ilang iligalista at imoral na mga barangay chairman, patuloy silang sangkot sa kalakalan ng droga at pagpapatakbo ng jueteng sa nasabing siyudad at bayan.
Ilan pa sa mga ito ay nag-aalaga ng bayarang mamamatay tao o killer for hire at nag-iingat din ng mga di lisensyadong matataas na kalibreng baril.
Dahil hindi pa naman natatagalang nakaupo bilang Batangas PNP Provincial Director si Col. Rex Arvin Malimban, kaya hindi pa natin dapat sisihin ito kung walang nagawang paraan para masupil ang mga barangay chairman at pulis na drug at gambling operator.
Ngunit bilang magaling na dating intelligence chief, dapat alam naman ni Col. Malimban na for sure kapag kapitan ng barangay na iligalista, nakatitiyak na marami rin itong tauhan, natatagong baril at iba pang uri ng armas.
Kanino naman kaya maaring iasa ng mamamayan ang pag-aksyon laban sa mga kriminal na kapitan, kay Lipa City Mayor Eric Africa at Police Chief Antonio Rotol Jr., Padre Garcia Mayor Celsa Rivera at sa police chief nito? Kelan pa, marahil magkakatotoo lamang ito, kapag pumuti na ang uwak?
Papaano sila aaksyon laban sa mga ilegalista, kung totoong mga kapanalig at kamag-anakan pa nila ang mga kabesang drug at gambling maintainer?
Nagkamali yata tayo sa pag-asam na mababago at mahihigitan pa ni Mayor Africa ang performance ng hinalinhan nitong ex-Lipa City Mayor Meynard Sabili, mukhang bigo yata ang pagtitiwala natin sa may kabataan pang alkalde?
Tuloy pa rin ang kawalanghiyaan ng mga dating gambling/drug operator na noon ay naging isyu laban kay Sabili. Ang nakakadismaya pa ay ipinangangahas ng mga dorobong kapitan ang pangalan ni meyor.
Muli ay pasadahan natin ang iba pang mga drug/gambling financier na sinimulan natin pangalanan sa nakaraan nating pitak (baka sakali lang na napaiikutan si General Danao Jr., ng kanyang intelligence officer).
Sa munisipalidad ng San Juan ang drug pusher na nagpapatakbo rin ng jueteng cum STL bookies ay si alias Kap Nelson, bayan ng Agoncillo ay si Alyas Hapon, municipality of Nasugbu ay si Willy Bokbok, sa Calaca ay si alias Konsehal Peping at Akira, sa bayan ng Taysan ay si alias Bedu, sa San Jose ay si Kap Virtucio, Ibaan ay si Roceo at sa Batangas City ay si alias Kap Benin at alias Mayor Benir..
Sa Tanauan City ay mistulang kabute ang operasyon ng STL bookies cum jueteng. Ang mga operator nito ay sangkot din sa bentahan ng shabu.
Kilala ang mga ito na sina: alias Mayor Benir, Konsehal Angel, Ablao at Melchor ng Brgy. Darasa, si Madam Bagsik ng Brgy. Janopol, Ms. Anabel ng Pantay na Matanda, Kap. Mario ng Brgy. Pantay na Bata, Kap Biskutso ng Brgy. 7, Jr. Biscutso ng Brgy. 7 at Putuhan, Lito ng Brgy. 7 at Putuhan at Konsehal Perez at Angie Tomboy ng Poblacion.
Ang iba pang mga kapitalista ng bawal na sugal at drug pusher sa Tanauan City ay sina Ocampo ng Brgy. Bagbag, Emil, Ramil, Aldrin, Terio, Angke at Lilian ng Brgy. Sambat, Lawin at Dona ng Brgy. Pantay na Bata at Pantay na Matanda, Rowel, Tano at Berania ng Brgy. Trapiche, Engke, Cancio, Dama at Dexter ng Brgy. Ulango.
Ganyan po PNP Region 4-A Regional Director PBG Vicente Danao Jr. katalamak ng jueteng at droga sa Tanauan City at iba pang mga siyudad at bayan sa lalawigan ng Batangas, gamit din ang rebisahan ng taya bilang prente sa pagbebenta ng shabu.
Walang takot ang mga ito kay Police Chief, LtCol. Victor Sobrepeña sa siyudad na pinamumunuan ni Tanauan City Mayor Angeline “Sweet” Halili.
Rest in Peace, ex-Tanauan City Mayor Antonio “Tony” Halili, matahimik ka nawa sa iyong himlayan. Sa tulong nina PNP Director General, Camilo Pancracius Cascolan at General Danao Jr., ay bakasakaling umaksyon si Mayora Sweet, alang-alang man lamang sa alaala ng kanyang yumaong ama. Kung muling mabubuhay si Mayor Tony ay hindi nito pahihintulutan na maghari ang nangyayari ngayong katarantaduhan sa Tanauan City? Sundan natin ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.