Advertisers
LAGUNA – Patay sa “engkwentro” ang isang 24-anyos na tulak ng droga at sinasabing lider ng notoryos na ‘Alomia Drug and Robbery Group’ sa buy bust operation ng mga operatiba ng Sta. Rosa City PNP – Drug Enforcement Unit (DEU) sa Barangay Caingin, Sta. Rosa, Biyernes ng umaga.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Vicente Amante, hepe ng pulisya, kay Laguna Provincial Director Col. Serafin Petalio II, nakilala ang napatay na si Conrado Alomia alias “Cedie”, habang nakaligtas naman ang live-in-partner nito na si Kerine Constantino, 31, kapwa residente ng Constantino Compound, Purok 4, Bgy. Caingin.
Ayon kay Amante, 9:50 ng umaga nang magkasa ng buy bust operation ang kanyang mga tauhan, kungsaan isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer nang hindi inaasahang mauwi ang operasyon sa engkwentro.
Binawian ng buhay si Alomia habang isinusugod sa ospital dahil sa mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Narekober ng pulisya sa lugar ng pinangyarihan ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu at baril na kalibre 38. (DICK GARAY)