Advertisers
Advertisers
Advertisers
HINDI pinatatagal ng Kamara ang pagsusumite ng 2021 General Appropriation Bill o GAB para magkaroon ng budget insertion.
Ito ang pagbibigay diin ni House Committee on Appropriations Chair Eric Go Yap kasunod ng duda ng ilang mga senador na kung Nobyembre pa isusumite ang budget ay posibleng may pork at parking na naman ito.
Mas mainam anila na oras na pagtibayin sa 3rd at final reading ay agad na rin itong i-transmit sa Senado dahil kung November 5 pa ito maisusumite ng baka matulad lang ito sa mga nakaraang budget na mayroong mga insertion.
Diin naman ni Yap, walang kongresista ang pupuwedeng magbigay ng insertions ngayon dahil ang lahat ng amendments na gusto ng mga mambabatas ay idinadaan sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa November 2 naman ang pinaka-maagang petsa na maibibigay ng House of Representatives ang naka-imprentang kopya GAB.
Paliwanag ni Yap, ngayong araw pa lang ito aaprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa ay hanggang ngayong araw lang din ang deadline nito sa mga ahensya ng gobyerno upang magsumite ng kanilang amendments.
Sa Lunes ay isang special team naman ang susuri sa mga isinumiteng amyenda at kasunod na nito ang pag-e-encode na aabutin ng limang araw.
Tatagal naman ng sampung araw ang pagpapa-imprenta sa National Printing Office.
Pipilitin aniya nilang ihabol sa November 2 ang pagsusumite ng kopya ng 2021 GAB sa Senado para mayruon pang isang linggo bago ang pagbubukas ng sesyon ng Mataas na Kapulungan sa Nobyembre 9.
Naniniwala rin si Yap na kahit naman sa November 5 nila ito maipasa sa Senado ay hindi ito magiging dahilan para magkaroon ng re-enacted budget. (Henry Padilla)