Advertisers
Kapuri-puri ang naging maagap na pag-aksyon ng mga miyembro ng Manila Police District-Arellano Police Community Precinct sa paghingi ng tulong ng isang pamilyang nabiktima ng ‘Akyat-Bahay’ kelan lamang.
Agad na naaresto ang 23-anyos na suspek na si Manolo Garcia Jr., ng 1650 Augusto Francisco St.,San Andres Bukid, Maynila, matapos nitong pasukin at pagnakawan ang tahanan ng isang Tsinoy sa Malate, Manila.
Dakong 12:30 ng madaling-araw nang maganap ang pagnanakaw noong Oktubre 9 lamang.
Naalimpungatan ang mga biktima at nagulat nang makita ang suspek na nakatayo sa gilid ng kanyang kama. Nagsisigaw ito kaya napatakbo ang suspek.
Hinabol ng tsinoy at agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa pulisya at nang magresponde ang mga pulis, nahuli nila si Garcia sa loob ng bakuran.
Nakakabilib na agad nabawi ng pulisya ang cellphone na ninakaw ng suspek sa tahanan ng mga biktima.
Mula sa nasabing PCP, agad namang nai-turnover ang suspek sa MPD – Station 9 kay imbestigador P/Cpl. Jonathan Ateteo para sa pagsasampa ng kasong robbery in an inhabited place laban sa kanya sa Manila Prosecutor’s Office.
Taos-pusong nagpapasalamat ang mga biktima sa masisipag at magaling na mga opisyal ng Barangay 751, Zone 81 sa pangunguna ni Barangay Chairman Jessie Agaton at maybahay niyang si Annie na tumulong sa kanila, kasama na rin ang mga Barangay Kagawad na sina Raymond Sayoto at Katereena Dulce Angeles, Barangay Secretary Rosario Frias at Executive Officer Angelito Angeles.
Siyempre pa, marami ring salamat sa mga pulis na di nag-atubiling rumesponde, mula sa MPD- Arellano Police Community Precinct, lalo na sa daytime chief na si Felixberto Tequil at night duty chief Jerry Terte at kina Patrolman Lester Pabilla at Patrolman Romnick Pante na dahil sa mabilis na pag-aksyon ay agad na nasukol ang suspect.
Mula nang maupo sa puwesto si Gen. Rolly Miranda bilang hepe ng MPD, naging mas inspirado ang mga kapulisan na mas galingan pa ang kanilang pagtatrabaho dahil alam nilang masipag din ang kanilang hepe.
Ganun naman talaga. Kapag alam mong maayos ang iyong hepe ay mahihiya kang magpariwara sa iyong trabaho pero pag alam mong loko ang iyong boss, di malayong magloloko ka rin.
Congratulations sa mga nasabing pulis ng MPD sa kanilang magandang trabaho at siyempre pa, sa hepe nilang si Gen. Miranda.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.