Advertisers
HINDI na nagulat ang marami sa irrevocable resignation ni Speaker Alan Peter Cayetano, kasunod ng pagpili kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ng kanyang mga katropa sa isang session na idinaos sa Celebrity Sports Plaza noong Lunes, Oct. 12.
PERO paggalang daw sa ‘gentleman’s agreement’, sabi ni Caye-tano kaya naghain siya ng ‘irrevocable resignation’ at para raw maging tuloy-tuloy na ang deliberasyon sa 2021 national budget.
“Verbally, I am tendering my irrevocable resignation as the speaker of the House of the Republic of the Philippines,” sabi ni Cayetano sa kanyang Facebook Live.
Ayon sa aking source, kinausap ni Cayetano ang kanyang mga tagasuporta na hayaan nang si Velasco ang mamuno sa Kamara, kasi nais niyang tuparin ang pangako niya sa Pangulo, at isantabi na ang politika at unahin ang pagpapasa sa pambansang badyet.
Kaya, sa kanyang FB, sinabi ni Alan Peter: “At 3 p.m., elect your new speaker and pass the budget… walang maneuvers at political tactics na mangyayari diyan.”
Hindi lang kay Cayetano tayo bumilib kundi sa kanyang mga kaalyado na sinunod siya at nang mag-preside si Velasco sa sesyon, parang normal lamang ang pangyayari.
Walang nag-ingay, walang nanggulo!
Nangyari, niratipika na nang pormal si Velasco bilang bagong Speaker.
Ang ating pagbati sa dalawang ginoo at naayos na, magiging tuloy-tuloy na ang pagbusisi sa 2021 national budget, ayon na rin sa kagustuhan ng Pangulo.
Kundi nagbigay daan ang tropa ni Cayetano, baka nga mangyari ang banta ni Presidente Duterte na siya na mismo ang “gagawa” ng solusyon para matapos ang gulo sa Kamara.
Baka, RevGov na tayo ngayon.
***
Natatandaan natin, nangako noon si Cayetano na hindi lang pagiging Speaker ang handa niyang bitiwan kung ito ang hihingiin ng Pangulo.
Kung naisin ni Duterte na magbitiw siya bilang kongresista ng Taguig City, agad niyang susundin.
Medyo bumilib naman tayo sa pagpapakumbaba ni Cayetano, lalo na nang humingi siya ng paumanhin sa Pangulo sa kanyang FB live.
Ito ang sabi niya: “Mr. President, if I made a mistake, kung mali po ang reading ko, if I misunderstood na ituloy at tapusin ko ang budget, ako’y humihingi ng paumanhin. Hindi ko intention na hindi ka sundin.”
Sa ginawa niya, mali ang haka-haka ng mga kritiko ni Cayetano na “sinusuwag” niya ang Pangulo.
So, tinupad na ni Cayetano ang parte niya sa kasunduan, kaya ang hirit naman niya kay Velasco ay tuparin din ang “palabra de honor” na wag galawin ang ini-appoint niyang deputy speaker at committee chairperson sa Kamara.
Mangyari kaya ito, tuparin kaya ni Velasco ang “palabra de honor” nila ni Cayetano?
E habang sinusulat ko ito, kaliwa’t kanan na ang sibakan ng deputy speakers, naloko na!
***
Malaki raw ang naging papel ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kaya naging Speaker si Velasco.
Kung matatandaan, kaya nasibak si Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez bilang Speaker noon – na pinalitan siya ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo – ay dahil daw sa nakialam ang presidential daughter.
Eto at dahil daw sa “pakikialam” at sa personal endorsement ni Mayor Sara, nagbaligtaran ang ilang Cayetano boys at biglang naging Velasco supporters.
Open secret din, may sama ng loob si Mayor Sara kay Cayetano, at itong si Velasco naman, lantaran ang pagiging “sipsip” niya sa matapang, bruskong babaeng Davao mayor.
Marahil, sabi ng aking source, isa sa malaking dahilan kaya nagbitiw na lang si Cayetano bukod sa kinausap na sila ng Pangulong Duterte, ayaw na niyang magkabangga pa uli sila ni Mayor Sara.
Kumbaga, one step backward at two steps forward ang taktika ni Cayetano.
Wise move, ex-Speaker.
***
Bilang paggalang kay Speaker Velasco ay hahayaan natin siya na magpakitang gilas ngayon na siya na ang lider ng Kamara.
Tama na ang pagpapasalamat mo kay Mayor Sara, 1st district Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at sa pagbati ng Malakanyang sa iyong panalo.
Kung noon ay panay ang absent mo, aba, magtrabaho ka at ipakita mo ang galing mo, at kung karapat-dapat ka ngang maging Speaker ng Kamara.
Kongrats, Speaker Velasco!
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.