Advertisers
Ni GERRY OCAMPO
IPINAKILALA na si Sanya Lopez bilang leading lady ni Gabby Concepcion sa teleseryeng First Yaya na tinanggihan ni Marian Rivera dahil hindi kaya ang lock-in taping.
Handang-handa na nga si Sanya para sa napakagandang break na ipinagkatiwala sa kanya ng GMA 7.
Matatandaang unang nabigyan ng break si Sanya sa show ng yumaong German Moreno. Mula sa That`s Entertainment ay nagkasunud-sunod na ang proyekto ni Sanya.
Napansin ang acting ni Sanya nang gawin ang Haplos, Cain at Abel, at Dahil sa Pag-ibig.
Napa-wow pa si Sanya nang malaman na makakatrabaho pa niya si Gabby sa “First Yaya.”
Naipagtapat din ni Sanya na nakaranas na rin siyang maging yaya ng kanyang younger cousin (tatlong pinsan daw ang kanyang inalagaan).
“Sa tulong ni Direk LA (Madridejos) at ng buong production ay nasa proseso pa po ako ng pagkilala kay Yaya Melody para mabigyang buhay at hustisya ko po ang kanyang pagkatao. “Yung buhay ko noon sa Pulilan, Bulacan ay mayamang source ng inspirasyon, lalo po at naranasan ko ring mag-alaga ng mga pinsan na mas bata sa akin,” pagtatapat ni Sanya.
Makakasama nina Sanya at Gabby sa serye sina Ms. Pilar Pilapil, Cassy Legaspi at Joaquin “JD” Domagoso.
***
ANG October ay Mental Health Awareness Month at ipinararating ng karamihan ang epekto sa tao kapag hindi nabantayan ang kalagayan ng kanilang pag-iisip.
Dahil nga sa pandemic na Covid-19 ay nakaranas ang maraming tao sa buong mundo ng depression, anxiety, restlessness at yung iba ay umabot pa sa pagpapatiwakal.
Isa nga sa binabantayan ang kalagayan ng kanyang mental health ay ang comedian na si Betong Sumaya. May pinagdaanan na matinding anxiety si Betong noong magkaroon ng lockdown.
Para mabawasan ang anxiety ay iniiwasan daw muna niya manood ng mga balita sa telebisyon.
“May times na ayoko manood muna ng news. Hindi ko sinasabi na hindi importante, napakaimportante ng news. Pero may point minsan na parang naa-alarm ako. Kasi parang nakikita mo yung cases nararamdaman mo,” pahayag ni Betong.
Nakatulong kay Betong ang pagdarasal para mapawi ang nararamdamang lungkot at takot.
“Yung faith mo talaga kay Lord, wala tayong ibang makakapitan ngayon kung hindi si Lord talaga di ba, sa rami ng nangyayari sa atin.”