Advertisers
KASABAY ng pagtiyak niya ng suporta sa panukalang budget para sa Department of Energy, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa ahensiya na tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipino lalo na ngayong panahon na may COVID-19 pandemic.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Go na dapat ding purihin ang DOE dahil sa malaking papel nito sa pagtiyak ng paglaban ng pamahalaan sa COVID-19 partikular sa mga ospital.
Tinukoy ni Go ang Department Circular no. ng DOE o ang pag-rationalize sa paggamit ng Energy Regulation o ER1-94 ng mga local government unit sa pagtugon sa COVID-19 health emergency.
Ipinaliwanag ni Go na nasa P2.43 billion ang nailipat sa ilang mga LGUs sa buong bansa mula sa ER 1-94 funds para magamit sa kinakaharap na pandemya ngayon ng bansa.
Kabilang sa mga pinaggamitan ng pondo ang mass testing, emergency subsidy, suporta sa mga feeding program, pagbili ng mga Personal Protective Equipment para sa medical frontliners, pagbili at pagpapatayo ng mga medical facilities, tents, quarantine centers, electricity cost subsidies, cremation at burial services sa mga biktima ng COVID-19
Kinumpirma rin ni Go na bilyong piso mula sa energy sector tulad ng National Power Corporation,. National Electrification Authority at Philippine National Oil Company ang nai-remit sa Bureau of Treasury bilang tugon sa COVID-19 pandemic.
Pinasalamatan din ni Go ang energy sector sa pagbibigay ng palugit sa naghihirap na mga mamamayan mula sa kanilang bills habang mayroong krisis.
Nanawagan si Go sa energy sector lalo na sa mga distibution utilities na balansehin ang kita at serbisyo sa publiko dahil hindi naman madadala ang sobrang pera sa kabilang buhay. (Mylene Alfonso)