Advertisers
Nakatanggap ang inyong lingkod ng sumbong na sa araw-araw na ginawa ng Diyos, patuloy na nagkakamatay ang mga inmates o yaong Persons Deprived of Liberty (PDL) diyan sa New Bilibid Prisons, Muntinlupa.
Bukod umano sa Covid-19, iba pang malalalang sakit ang ikinamamatay ng mga presong ito. Ang masakit, ilan sa mga namatay ay malaon ng tapos ang sentensiya o napagdusahan na ang maraming taong parusa sa nagawa nitong kasalanan.
Ayon pa sa ating impormante, ang ibig sabihin, dapat ay laya na ang marami sa kanyang mga kasamahan sa loob ng Bilibid.
Ang siste, tila naiipit o sadyang iniipit ang kanilang “release order”.
Posible umanong dahil ito sa paghihigpit ng tanggapan ni BUCOR chief, Director General Gerald Bantag dahil na rin sa nabulgar na anomalya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na umano’y kuwestiyonableng naipagkakaloob sa mga VIP prisoners.
Going back sa mga nangangamatay nating mga PDLs diyan sa Munti, hindi umano kaya ng BUCOR at ng ospital nito ang bulto ng mga bilanggo na maysakit kabilang na dito ang maraming senior citizens.
Bukod pa nga raw dito ang mga infected at suspected Covid-19 patients na nasa loob ng mga isolation facilities sa oblo.
Hindi pa dito kasama ang mga anim (6) na bilanggong namatay sa riot na naganap kamakailan sa pagitan ng magkalabang Sputnik at Commando Gang.
Ayon pa sa source,umaabot ng siyam (9) na bilanggo ang sa araw-araw ay namamatay umano sa loob ng pambansang bilangguan, mostly sa Medium Security Compound.
Marami sa mga ito ay palaya na ngunit na-pending ang kani-kanilang release order.
Lubha umanong nakakaawa ang sinapit ng mga ito dahil nakamatayan na ang paghihintay sa kanilang mga dokumento.
Karamihan sa mga ito ay uugud-ugod na at maysakit.
Nais ng ating impormante na makarating sa Pangulong Rodrigo Duterte at Justice Secretary Menardo “Boy” Guevarra ang kahabag-habag na sitwasyon sa loob ng New Bilibid Prisons upang kapagdakang maaksyunan ang kanilang pagdurusa.
Sa ating abang pananaw, posibleng may ilang opisyal ng BUCOR ang patuloy na kumikita ng kuwarta sa pamamagitan ng pag-ipit sa mga bulto-bultong “release orders’ ng ating mga bilanggo na nakatengga sa tanggapan ni Usec. Bantag.
Sa dami ng trabaho at mga responsibilidad ni DG Bantag, posibleng may ilang tauhan itong gumagawa ng katarantaduhan.
Knowing DG Bantag personally, wala sa bukabularyo ng mama ang mga ganitong ‘vertical” na diskarte lalo na nga’t mga kawawang preso ang involved.
Mahal at nasa puso at sistema na ni Bantag na makasama sa araw-araw ang mga inmates na “through the years” ay itinuring na nitong kanyang mga ama, kapatid at kaibigan.
Batid natin na kapakanan ng mga inmates ang laging prayoridad at naisin ng pamosong opisyal na gaya ng ating Pangulong Duterte is a very GOOD MAN with a BAD MOUTH.
Palamura lamang talaga si Bantag ngunit may puso itong dalisay para sa kapakanan ng ating mga bilanggo.
Kung may iniulat na nirampa ito at tuluyan nang pinatahimik, ang mga ito ay yaong mga talamak na masasama at wala ng pag-asang magbago at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
Again, nananawagan po tayo sa ating idol na si Usec. Bantag na kung puwedeng masilip nito ang mga PDLs natin d’yan sa Bilibid na puwede nang palayain makaraang mapagsilbihan ang kani-kanilang mga sentensiya sa kasalanang nagawa.
Alam din natin na marami rin sa mga bilanggong naging pangalawang tahanan na rin ang Muntinlupa ng maraming taon ay ayaw nang iwan ang Bilibid dahil sa kawalan ng kamag-anak at mahal sa buhay na babalikan.
Nais na rin ng mga itong sa Munti na rin gugulin ang nalalabi pang taon ng kanilang buhay.
Masakit po pero ito ang mapait na katotohanan sa buhay ng ating mga bilanggong nagkamali at nakagawa ng kasalanan sa ating lipunan.
Moral lesson of the story, laging nasa huli ang pagsisisi!
Good day po Usec. Bantag at sa lahat ng responsable at matitinong opisyal d’yan sa BUCOR!
MABUHAY!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com