Advertisers
“HINDI kasalanan ang maging palaboy.”
Ito ang seryosong salita na binitiwan ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng paninindigan na hindi kailanman huhulihin at ikukulong ang mga palaboy at mga pulubi sa lungsod.
Ang pahayag ay ginawa ng alkalde kasunod ng ideya na arestuhin ang mga palaboy na namamalimos sa mga kalsada.
“Sending the beggars and homeless straight to jail is not my cup of tea. Hindi kasalanan ang maging palaboy,” ayon pa sa alkalde.
Sinabi pa ng alkalde na kung siya ang tatanungin ay mas nais niyang sagipin ang mga palaboy mula sa mga lansangan at kalingain ang mga ito.
“Baka maganda rin ang iniisip nila pero ako, mas gusto ko kunin na lang sila,” sabi ni Moreno.
Nauna rito, lumutang ang mungkahi na arestuhin ang mga namamalimos sa kalsada dahil posibleng sila ang nagkakalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), bunsod ng kawalan ng suot na face masks ng mga ito.
“Maybe those from the national government have a different perspective about it but sending these people to jail is, to me, another thing. It’s not my cup of tea,” sinabi pa ni Moreno, na aminadong dati rin siyang iskuwater.
Inihayag pa ni Moreno na may walong buwan na ngayon, nang kalingain ng Manila City government, sa pamamagitan ng social welfare department, na pinamumunuan ni Re Fugoso, ang daan-daang palaboy, na naninirahan sa mga lansangan dahil sa pandemic.
Ang mga ito ay kasalukuyang tumutuloy sa tatlong pasilidad ng lungsod na inilaan ng lokal na pamahalaan para sa ganitong programa.
“Hindi sa pagbubuhat ng bangko, since nagka-pandemya ay inakap natin ang mga homeless and unwanted individuals. We have been feeding them for nearly eight months already and a medical team checks them too. It’s not too comfortable but definitely a lot better than living in the streets,” sabi pa ni Moreno.
Bukod aniya sa libreng pagkain at toiletries, ang mga homeless ay inaalagaan din ng city government, na nagbibigay din ng regular na libreng movie showing sa kanila, gayundin ng zumba sessions.
Ang mga donasyong damit at pagkain aniya na natatanggap ng lungsod ay ipinamamahagi nila sa mga ito.
Sinabi pa ng alkalde na maaaring maraming palaboy ang nagtutungo sa Maynila matapos na malaman na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga homeless na una nilang sinagip sa mga lansangan.
Ang mga nais namang makauwi sa kanilang mga lalawigan ay tinutulungan din ng lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan umano ay nasa 200 pamilya na ang naihatid nila sa kani-kanilang lalawigan hanggang noong nakaraang linggo.
Kaugnay nito, kaagad din namang nilinaw ni Moreno na pabor ang city government sa pagdidisiplina sa mga tao sa lungsod, kabilang na rito ang mga walang tahanan.
“True, nagdi-disiplina kami.. no question. We want to put discipline and certainty but in governance, kailangan me puso. Mahaba ang pasensiya ng pamahalaan. It’s not easy to address this.. action should be done but it should be in a humane and compassionate manner,” paliwanag pa niya. (Andi Garcia)