Advertisers
INIHAYAG nitong Miyerkules ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang dinurog na dolomite na inilatag sa bahagi ng Manila Bay coastline ay hindi na-washout kundi natabunan lang ng makapal na “black sand” mula sa dagat.
Sa briefing, sinabi ni DENR spokesperson Benny Antiporda na kasinungalingan na sabihing na-washout ang inilatag na dolomite sa dalampasigan ng Manila Bay na naglalayong gayahin ang white sand beach.
“Nakita po na puro kasinungalingan ‘yung lumabas na na-washout ‘yung white sand natin,” ayon kay Antiporda.
“Ang nangyari po talaga is wash in. Pumasok po ‘yung itim na buhangin at pumatong sa white dolomite,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag pa ni Antiporda na kailangang i-maintain ang beachfront subalit hindi pa ito magagawa dahil ang bahagi ng Manila Bay na isinasaayos ay nasa hurisdiksyon pa ng kontraktor.
“Talaga pong mine-maintain ito. Kaya lang po hindi pa mine-maintain ngayon dahil it is still under the jurisdiction of the contractor,” aniya.
Nauna rito, tiniyak ni DENR Undersecretary Jonas Leones na hindi matatangay ang dolomite na inilatag malapit sa United States Embassy sa kabila ng malakas na alon dahil may inilagay na “engineering interventions” sa naturang lugar. (Jocelyn Domenden/Boy Celario)