Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa mga awtoridad ng Simbahang Katolika na magsagawa ng plano kung paano maidaraos ang taunang selebrasyon ng siyam na araw na Simbang Gabi nang walang malalabag sa itinakdang health protocols at upang makaiwas sa coronavirus.
Sinabi ni Moreno na hangga’t maaga ay dapat ng pag-usapan ang mga plano upang kung dumating ang Dec. 16 na simula ng siyam na araw ng tradisyunal na misa ay ilalatag at ipatutupad na lamang ang mga ito.
Ayon sa alkalde, ang pamahalaang lungsod ay handa ng makipagpulong sa mga opisyal ng simbahan at makipagtulungan upang maipaabot ang mga plano na titiyak sa kaligtasan ng mga mananampalatayang Katoliko na dadalo ng siyam na araw na Simbang Gabi laban sa coronavirus.
“I hope that they (Church authorities) will already begin planning among themselves on how we are going to practice the tradition while keeping everyone safe from COVID-19. Kami naman ay handang makipag-ugnayan sa kanila,” ayon sa alkalde.
Idinagdag pa ni Moreno na habang walang perpektong reglamento o pormula, naniniwala siya na makapagbibigay ang mga lider ng Simbahan ng plano na magiging katanggap-tanggap sa lahat ng mga kinauukulan habang binibigyang kasiguraduhan na maiiwasan ang transmisyon ng COVID-19.
Katulad din nito, sinabi ng alkalde na ang plano sa paggunita ng Kapistahan ng Itim na Nazareno ay kailangan na rin pag-usapan at planuhin.
“I am appealing sa mga lider ng Simbahan… we are trying to be ahead of things because there are some things that we cannot control pero pupuwede namang iwasan. These are two important occasion kaya ang paghikayat ko ay sana, magpatupad ang ating mga lider ng iba’t-ibang sector ng plano… mas masarap ‘yung kusa,” ayon pa kay Moreno.
Ang ‘Simbang Gabi’ ay serye ng siyam na misa sa madaling-araw patungo sa araw ng Kapaskuhan na nagsisimula ng ika-16 ng Disyembre sa ganap na alas-4 ng madaling-araw at ipinagdiriwang ng mga Katolikong bansa sa buong mundo bilang pinakamahalagang relihiyosong pagdiriwang sa lahat.
Ang Pista ng Itim na Nazareno naman ay ginugunita at ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Enero kung saan milyun-milyong Filipino ang nakikilahok sa prusisyon na tinatawag na ‘Traslacion.’ (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)