Advertisers
LAGUNA – Mapalad na nakaligtas sa kamatayan ang isang nurse na babae nang pagbabarilin sa Waltermart parking area sa Barangay Balibago, Sta. Rosa City, Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Lt. Col. Vicente Amante, hepe ng pulisya, 4:05 ng hapon habang papasakay ng kanyang minamanehong SUV ang nurse na si Jules Catalan Chang, single mother, tubong Negros Occidental at pansamantalang naninirahan sa San Lorenzo South Subdivision, Bgy. Malitlit, Sta Rosa City, nang pagbabarilin ng nag-iisang gunman gamit ang kalibre 45 baril.
Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng isang sasakyan matapos paputukan ng sunud-sunod ang biktima na nagawa namang makatakbo sa Santa Rosa Hospital and Medical Center. Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala sa kanyang likuran at kaliwang braso.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya. Isa sa mga tinitingnang anggulo sa krimen ay love triangle. (DICK GARAY)