Advertisers
Usap-usapan ang panukalang batas ng batikang action star na ngayon ay senador muli na si Senator Lito Lapid. Dahil nais nitong palitan ang pangalan ng Del Monte Avenue sa may San Francisco Del Monte ng Quezon City at ipangalan ang nasabing lansangan kay dating action king at presidential candidate Fernando Poe Jr. (FPJ).
Ang katwiran ng senador na kilala at pinasikat ng kanyang pelikulang Leon Guerrero, naging parte na ng buhay artista ni FPJ ang nabanggit na lugar dahil ang kanyang FPJ Productions ay makikita rin sa kahabaan ng Del Monte Avenue. Ang sabi pa nga ni Sen. Lapid, sa mahigit 300 pelikulang nagawa ni FPJ, ang lugar na iyon ay lokasyon na rin ng maraming eksena, kaya nararapat lamang na ipangalan na sa kanya ang kahabaan ng Del Monte Avenue na nagmumula sa West Avenue hanggang Bonifacio Avenue sa may La Loma.
Ang nasabing panukala ni Lapid ay dumaan na sa ikalawang pagbasa sa Senado at ang bersiyon nito sa Kongreso ay ikinasa na rin sa kanyang panukala noong September 9, para mapagtibay ang pagsasabatas ng kanyang mungkahi.
Ngunit naging mainit na isyu na ito lalo na sa mga taga-mismong “Frisco”, pina-ikling termino para sa San Francisco Del Monte dahil napamahal na sa mga lehitimong taga-roon ang lugar at maging ang pangalan ng kalsadang nais palitan ni Lapid ng FPJ Avenue. Ako nga pala ay natira rin dito, ang una ay sa bahay ng aking namayapa ng ninong “Agui”, ang pangalawa ay nangupahan ako upang mapalapit ang pagbibiyahe ko sa aking pinagtatrabauhang peryodiko.
Sa ngayon, di ka makakapunta ng Frisco kung hindi mo alam ang Del Monte Avenue, maliban sa nauuso ng apps (application) sa mobile phone na Google Maps o Waze.
Balikan natin ang isyu ng batas ni Lapid. Mismong mga pari ng isa sa pinaka-antigong simbahan sa lugar, ang San Pedro Bautista Parish na kalaunan lang ay dineklara na ng Santo Papa na Minor Basillica na, ang tumututol sa panukala ng senador.
Mga Franciscano ang mga pari ng simbahang iyon, so alam mo na agad saan nanggaling ang San Francisco Del Monte. Del Monte sa espaniyol – ang bundok naman sa tagalog – tila magkakadikit na buludundukin daw kasi ang lugar ng mga panahon ni San Pedro Bautista 15th century iyon nang itatag at itayo niya ang simbahan at kumbento para sa gaya niyang Franciscanong pari dahil nga kay St. Francis of Asisi.
Open letter ang pinang-tapat ng mga Franciscanong pari at sinasaad nila dito ang mariin nilang pagtutol dahil na rin daw sa “tremendous historical, religious and cultural significance” na nakadikit na sa Del Monte Avenue. Makasaysayan talaga kung bubusisiin, kasi nga mismong santo ng simbahan ang nakadiskubre ng lugar at nagpangalan dito kabilang na ang nasabing lansangan.
Ganito rin halos ang punto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na naghayag ng pag-agam-agam sa mungkahi ni Lapid nang dinggin ng Senate Committee on Public Works ang Senate Bill 1882 ni Lapid noong nakaraang Miyerkules.
Ang sabi ni NHCP Deputy Executive Director Alvin Alcid, habang naniniwala ang kanilang ahensiya na bigyan pagkilala si FPJ, ito raw ay nangyari na, nang gawaran ang namayapa ng aktor bilang National Artist noong 2006 dahil sa kanyang kontribusyon sa larangan ng pelikula. At ang kanilang agam-agam ay base sa Heritage Law na nag-aatas.
Ayon kasi sa Heritage Law ang pangalan ng kalsada na nananatili sa loob o lagpas ng limangpung (50) taon ay kinukunsidera ng parte ng history. Binigyan diin ng ahensiya na ang pangalang Del Monte ay hango sa pangalan ng lugar na San Francisco Del Monte nang ito ay pangalanan ng Santong si San Pedro Bautista noong 1590.
Kung titimbangin ang mga puntong ito, aba’y kailangan talagang pag-isipan ang pagpapalit sa pangalan ng kalsadang parte na ng historiya, ng kultura atbp. Bago natin ipagpilitan na dapat ang kalsada ay ipangalan na kay FPJ.