Advertisers
MARAMING netizen ang nagulat sa biglang pagbaligtad ng maraming mambabatas. Dati silang tagasuporta ni Alan Peter Cayetano. Biglang sumakabilang bakod, binawi ang suporta kay Cayetano, at inihalal si Lord Allan Velasco bilang kapalit ni Cayetano na nanguyapit sa puwesto na mistulang tuko.
Sino ang hindi magtataka? Inangkin ni Cayetano na mayroon siyang 205 na mambabatas na sumusuporta sa kanya sa Kamara de Representante. Ayon kay Velasco, inihalal siya ng 187 mambabatas bilang bagong ispiker sa isang sesyon sa Celebrity Plaza.
Kung susumahin, aabot sa 392 mambabatas ang sumali na magkahiwalay na bilangan. Hindi lalampas sa 330 ang kabuang bilang ng mga mambabatas sa Kamara. May mga nangamatay, mayroon lumiban at hindi dumalo sa sesyon, at mayroon rin abstention. Imposible na may ganoon silang bilang.
May biro na kumubra ang hindi pinangalanang mambabatas ng tig-P2 milyon kay Cayetano, ngunit pawang nangawala. Pumunta sa Celebrity Plaza upang ihalal si Velasco bilang kapalit ni Cayetano. Namangka sa dalawang ilog ang ilang mga mambabatas. Naglagareng hapon, sa madaling salita anila.
Ipaliwanag namin ang aming karanasan kung bakit ganyan ang asal ng mga pulitiko.
Taong 1982 nang magdaos ng pulong balitaan si Arturo Tolentino na sinibak ni Ferdinand Marcos bilang ministro (kalihim) ng DFA. Tanggap ni Tolentino ang kapalaran niya sa diktadurya kahit nag-iwan siya ng ilang piling pangungusap tungkol sa pulitika.
Nagbabago ang mga political statement ng kahit sinong pulitiko – baguhan man o beterano. Kapag nagbago, totoong nakakagulat, aniya. Iyong sinabi ngayon ay maaaring kabaligtaran ng sasabihin bukas, ani Tolentino. Nababatay ang mga political statement sa mga pagbabago ng pagkakataon, aniya.
Mahusay ang isang pulitiko kapag nakikita niya ang takbo ng mga pangyayari. Inihahanda niya ang sarili sa mga maasahan at hindi maasahan. Bagaman nakatingin ang dalawang mata sa malayo, nakadikit naman ang dalawang tenga sa lupa upang pakiramdaman ang anumang lindol na maaaring maganap.
Inisip ng mga mambabatas ang kanilang sarili. Kaya ng magkaroon ng pagkakataon na bawiin ang kanilang suporta, kagyat nila itong ginawa at lumipat sila kay Velasco. Mahirap sugalan si Cayetano. Masyadong masatsat, walang isang salita, at tanging ang sariling kapakanan lamang ang kanyang alam.
Masyadong maraming kaaway si Cayetano. Wala naman siyang malinaw na lapian na susuporta sa kanya. Ito ang dahilan ng kanyang paglagapak.
***
KUNG may matwid si Ispiker Lav, ito ang tawag ng mga malalapit sa Velasco, maiging palitan niya si Rep. Abraham “Bambol” Tolentino bilang chair ng House committee on accounts. Maraming sabit si Bambol. Ang komite niya ang namamahala sa pananalapi ng Kamara.
Itinuturo si Bambol na namudmod ng P2 milyon na “pabaon” sa bawat mambabatas noong nakaraang linggo. Iniutos umano ni Cayetano ang pamimigay ng salapi pagtapos magdeklara ng recess ang Kamara hanggang ika-16 ng Nobyembre.
Hindi malaman kung may batayan na bigyan ng P2 milyon ang bawat mambabatas. Ngunit marami ang nakakaalam na magkaibigang matalik si Cayetano at Bambol. Isa itong dahilan kung bakit binibigyan umano ng proteksyon ni Bambol si Cayetano tungkol sa kontrobersiya sa napakalaki ng gastos sa Southeast Asian Games noong 2019.
Natapos noong ika-11 ng Disyembre ang SEAG. Obligadong magsumite ng audited financial statement noong ika-9 ng Febrero ang kontrobersiyal na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, o PHISGOC, ang pribadong foundation na itinayo nina Cayetano at grupo niya upang mamahala sa SEAG.
Naantala ang pagsumite ng walong buwan dahil sa pandemya. Itinakda ang pagsumite noong ika-10 ng Oktubre, ngunit hindi kumilos ang PHISGOC. Bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee, hindi kumikilos si Bambol. Isa itong anomalya na dapat siyasatin.
May Tripartite Agreement ang Philippine Sports Commission, POC, at PHISGOC na nagtatakda ng pagsumite ng audited financial statement. Sapagkat nagbigay ang pamahalaan ng bilyon pisong tulong sa PHISGOC para sa SEAG, marapat lamang tumugon sa auditing at acounting rules ng Commission on Audit ang PHISGOC.
Marapat lamang habulin si Cayetano. Marapat managot si Bambol sa pagbibigay proteksyon kay Cayetano. Hindi dapat manatiling sport leader si Bambol.
***
IBINABAHAGI namin ang balitaktak ng aming kaibigan na si Jun Urbano, aka Mr. Shooli ng “Mongolian Barbecue,” at Kuhol, kanyang sidekick:
Kuhol: “Mr. Shooli, sama mo pera mo sa akin taya tayo sa sabong”
Shooli: “Wag mo ako loko loko Kuhol, salado pa sabungan ngayon pandemic.”
Kuhol: “Di naman sa sabungan gagawin eh sa Tongress.”
Shooli: “Sabong, sa Tonggless? Lalo wala sabong! Illegal kasi bawal tapos sa tongless pa gawa sabong? Ano ka hihilo na? Yan di puwele!”
Kuhol: “Puwele. Este puwede Mr. Shooli.”
Shooli: “Puwede … Este, PUWELE Kuhol? Makit puwele?
Kuhol: “Kasi si MANG KANOR daw ang nagpapasabong or else daw.”
Shooli: “Ganon ba? O sigue ako taya sa puti na manok”
Kuhol: ‘Ayaw mo tumaya sa Talisain? Pag nanalo yon talo yong puti mo! Manok ni Mang Kanor yong talisain.”
Shooli: “Yong puti kanino?”
Kuhol: “Kay Kanor din. Alaga raw ni Mang Kanor… Dati… Pero ewan ko, masyado raw lumaki ang palong. Pero kahit alin manalo sa puti o talisain, panalo si Mang Kanor.”
Shooli: “Wala siya talo kahit sino panalo?
Kuhol: “Di naman siya tumataya eh pano matatalo? pero meron siya tong sa total ng taya. Doon siya kumikita. Kaya nga pinaaapura itong sabong. Kahit ano manalo, matalo kabig siya. sabungero lang ang may talo”
Shooli: “Masyalo wais pala Mang Kanor. Wala kuwenta tao, di patas maglaro. Kuhol wak na tayo pusta sabong. . . . . Iba na lang ….Kuhol Melon ba karera baboy? Pusta tayo”
Kuhol: “Wala ho. Pero tanungin ko si Roque maraming alam yon.”
Shooli: “Karera ng butiki?”
Kuhol: “Ahhh si Mang Panelo na tanungin natin diyan!”
Ngeek!