Advertisers
SUPORTADO ni Senador Chrtistopher Bong Go ang proposed 2021 budget ng Presidential Communications Operations Office.
Ipinaliwanag ni Go na kailangan ng PCOO ng pondo lalo na ngayong nahaharap sa COVID-19 pandemic ang bansa kung saan isa sa mga panlaban ng taumbayan sa takot ang tamang impormasyon na pangunahing papel naman ng ahensiya na siyang communications arm ng gobyerno.
Ayon kay Go, sa pamamagitan ng PCOO, nagagawa ng gobyerno na ma-inform, ma-educate at maliwanagan ang mga Filipino hinggil sa isang national matter at nagagawang mapalalim ang kanilang civic engagement.
Sinabi rin ni Go na sa pamamagitan ng PCOO, naihahatid nang maayos at organisado ang mga impormasyon na kailangan ng tao hinggil sa mga proyekto, programa at polisiya ng gobyerno lalo na sa gitna ng pandemya.
Inihayag ni Go na napatunayan ito simula nang mag-lockdown noong Marso dahil sa COVID-19 kung saan nag-double time ang mga nasa ilalim ng PCOO tulad ng PTV 4 sa paghahatid ng mga impormasyon at tamang kaalaman hinggil sa virus
Binigyang-diin pa ni Go na sa panahon ngayon na talamak ang mga fake news at misinformation, nariyan ang PCOO upang magbigay ng kaliwanagan at tamang impormasyon sa mga Pilipino.
Nilinaw ni Go na kahit noong wala pang pandemya ay ginagawa na ng PCOO na labanan ang mga fake news at misinformation. (Mylene Alfonso)