Advertisers

Advertisers

MANILA CITY LIBRARIES TUTUTUKAN, POPONDOHAN NA – ISKO

0 388

Advertisers

ANG lahat ng silid-aklatan o libraries na pinapatakbo ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ay tututukan na sa pamamagitan ng pagbibigay pansin dito at higit sa lahat ay pagkakalooban na ito ng pondo upang maitaguyod ang kahalagahan ng pagbabasa at patuloy na kaalaman sa mga kabataan at pagkalooban din ng lugar na mapagpalipasan ng oras ang mga nakatatanda.

Ito ang binitawang salita ni Mayor Isko Moreno makaraang pangunahan nila ni Vice Mayor Honey Lacuna ang pagpapasinaya sa binago, inayos at pinagandang Manila City Library sa Taft Avenue, kung saan sinamahan sila ni Jerry Vicente-Catabijan, presidente ng St. Mary’s Publishing Corporation at hepe ng Manila City Library Mylene Villanueva.

Sa kanyang talumpati ay pinasalamatan ni Moreno ang mga staff ng city library sa pagpapanatili ng kalinisan na lalong humihikayat sa sinuman na pupunta para mag-aral, gayundin si Vicente-Catabijan sa donasyong P1 million halaga ng mga aklat at iba pang babasahin.



Pinuri ni Villanueva ang tandem ni Moreno at Lacuna sa pagkakaloob nito ng lahat ng mga pangangailangan ng city library upang makasabay sa panahon dahil bukod sa mga babasahin, ito ay mayroon na ring computers, laptops at wifi connection upang matulungan ang mga estudyante na pumupunta sa library.

Ayon pa kay Villanueva, ang suporta na binibigay nina Moreno at Lacuna sa library ay napakalaki ng nagagawa upang matugunan nila ang kanilang tungkulin ng maayos.

Ayon kay Lacuna, ang libraries ay hindi dapat na ituring bilang imbakan lamang ng libro, kundi isang lugar kung saan maaring mabago ang kalidad ng buhay ng isang nilalang sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng pag-aaral, kaalaman at pagsasaliksik ng mga bagong impormasyon.

Sa kanyang panig, sinabi ni Moreno na habang ang karamihan ay Google ang tinuturing na bagong library, may pangangailangan tayo na patuloy na buhayin muli ang libraries at hikayatin ang mga kabataan na bisitahin ito. Idinagdag ni Moreno na sa kaso naman ng mga may edad, ang patuloy na pagbabasa sa library ay makakatulong upang mahasa ang kanilang memorya.

Binigyang diin ng alkalde ang kahalagahan ng libraries at ginunita nito na bilang dating estudyante ng public school ay madalas siya sa library at nagbabasa ng mga kopya ng Reader’s Digest at Current Events. Ayon sa alkalde ang kaalaman at impormasyon na gagabay sa buhay ay matatagpuan sa apat na sulok ng library.



“Hanggang ngayon, nagbabasa ako whether virtual or physical. I continue to acquire knowledge, learn from it and when there are things that are applicable to governance, I apply. Ang pag-aaral is a life-long journey kaya di tayo dapat huminto,” ayon pa sa alkalde.

Pinuri ni Moreno ang mga namumuno at staff ng Manila City Library dahil nagawa nitong sumabay sa makabagong panahon at nagawa pang lagpasan ang mga inaasahan sa kanila dahil sa pag-adapt nito sa teknolohiya at ipagkaloob ito sa lahat.

“Akoý nagpapasalamat sa city library at mga kawani sa pagsisigasig na maging bahagi at maramdamang bahagi ng pamahalaang-lungsod sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kabataan sa access to reading,” dagdag ni Moreno.

Nangako rin ang alkalde na tututukan ang mga city libraries sa Taft, Canonigo at Sta. Cruz at bibigyan ito ng kaukulang pansin tulad ng pansin na ibinibigay sa health, housing at education sector. Inalala ni Moreno na noong siya ay konsehal at vice mayor pa lamang, ang city library ay laging nahuhuli sa listahan ng prayoridad pagdating sa pondo. (Andi Garcia)