Advertisers
NASA mahigit 10,000 na ang mga health workers sa bansa na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nakapagtala pa ng karagdagang 356 health workers na na-infect ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.
Sanhi nito, hanggang Oktubre 10 ay mayroon ng kabuuang 10,178 health workers sa bansa ang confirmed na COVID-19 positive.
Sa naturang bilang naman, 9,562 na ang nakarekober mula sa sakit, matapos na makapagtala ng panibago pang 462 recoveries.
Nananatili pa naman sa 553 medical workers ang active cases pa ng virus at sumasailalim sa gamutan at quarantine.
Samantala, umakyat rin naman sa 63 ang COVID-19 deaths sa hanay ng mga health workers, matapos na makapagtala ng dalawang bagong fatalities.
Ayon sa DOH, ang limang medical professions na nakapagtala ng pinakamataas na COVID-19 cases ay ang mga nurse na may 3,543 infections, mga doctor na may 1,801, nursing assistants na may 774, medical technologists na may 475, at mga midwives na may 262 cases.
Kabilang rin naman sa tally ang mahigit sa 500 na non-medical personnel gaya ng utility workers, security guards, at administrative staff. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)