Advertisers
NAPAPANSIN ko lang na tuwing malapit na ang pasukan at nang magsimula na ang pasukan sa pampublikong sistema ng edukasyon ng ating bansa ngayong kinakaharap ng mga Filipino ang nakakatakot na coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) ay sunud-sunod na naglalabas ng press statement si Senador Sherwin Gatchalian.
Hindi naman nakapagtataka, sapagkat si Gatchalian ang kasalukuyang tagapangulo ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ang nakapagtataka ay tuwing malapit ang pasukan (dati Agosto 24 at kamakailan ay Oktubre 5) at nang magsimula ang pasukan ngayong Oktubre naglalabas si Gatchalian ng kanyang mga pahayag at ideya para sa mga guro at mga isyung kinakaharap ng sistema ng batayang edukasyon sa Pilipinas.
Kung totoo, tapat at galing sa puso ang mga pahayag ni Gatchalian, maglabas siya ng resolusyon na nagpapatawag sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Secretary Leonor Magtolis Briones.
Isama rin niya ang mga undersecretary na humahawak ng pinansiya at ang humahawak sa mga pribadong paaralan.
Sa ganitong paraan, makokompronta ni Gatchalian at ng iba pang mga senador sina Briones hinggil sa mga patakaran at isyung nakikita nilang kailangang tiyakin ng huli upang maging maayos ang buhay ng mga guro – maliban pa sa kalidad ng kanilang pagtuturo.
Hindi iyong sa pamamagitan lang ng press statement dahil lumilitaw hanggang press statement lang ang “malasakit” ni Gatchalian sa mga guro at sa sektor ng edukasyon.
Halimbawa, iyong pagtitiyak na maibibigay ng DepEd ang sanlibong insentibo sa mga guro para sa World Teachers’ Day nitong Oktubre 5 sa eksaktong araw, mas maaga pa.
Ang isa pa ay ang P500 para sa medical check-up ng mga guro.
Ilan lamang ito sa mga isyung dapat komprontahin at alamin ni Gatchalian sa DepEd kung bakit napakaliit na halaga.
Kung hanggang press statement lang ay nakapagdududa ang katapatan at katotohanan ng malasakit ni Gatchalian sa mga guro.
E, bakit hindi nakapagdududa ang katapatan ng pahayag ni Senador Gatchalian kung ang kanyang press statement ay nailalabas sa ispesipikong panahon – at uulitin ko – iyan ay nagaganap tuwing bago magpasukan at kapag nakapagsimula ang pasukan.
Kung tagos sa puso ni Gatchalian ang pagmamahal sa mga guro, sa sistema ng edukasyon sa ating bansa at maging sa mga mag-aaral ay huwag siyang magkasya, magalak at idaan sa press statement ang kanyang mga pahayag, pananaw at higit sa lahat ay ang malasakit.
Nakatitiyak akong hindi lang ako ang nakapapansin nito, kundi mismong mga guro.
Malamang ang nasa isip nila ay “ganyan naman ang mga politiko, magaling lang kapag eleksyon. Kapag nakaupo na ay panay salita na lang.”
Upang madamay si Gatchalian sa gayang klase ng politiko, palagay obligadong patunayan niyang hindi siya “trapo” (traditional politician).
Sa aming mga Waray, ang kahulugan ng trapo ay basahan.