Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno ang mas mahigpit na pagbabantay sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) sa mga susunod na araw, kasunod na rin ng posibilidad na dumagsa ang mga taong magtutungo doon upang bumisita sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Matatandaang sarado ang mga sementeryo sa lungsod at iba pang panig ng bansa sa panahon ng Undas kaya’t inaasahang sa mga susunod na araw ay marami ng tao ang magtutungo sa mga sementeryo upang mag-alay ng dasal at mga bulakak, gayundin ay magtirik ng kandila para sa kanilang mga yumao.
Ayon kay Moreno, layunin ng mahigpit na pagbabantay sa mga sementeryo na tiyaking masusunod ang kinakailangang physical distancing at walang magaganap na mass gatherings para maiwasan ang posibleng hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pinaalalahanan din niya ang mga mamamayan na magsuot ng face masks para protektado laban sa virus.
Pinayuhan pa ng alkalde ang mga mamamayan na agahan na lamang ang pagpunta sa mga sementeryo at huwag nang hintayin pa ang last minute.
Nabatid na base sa kahilingan ni MNC Director Yayay Castaneda, ipinag-utos ni Moreno ang deployment ng mga pulis at City Hall personnel upang ma-monitor ang daloy ng mga bisita at matiyak ang istriktong pagpapatupad ng health at safety protocols.
Sinabi ni Castaneda na tumutulong din sina Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head Arnel Angeles, Department of Public Services (DPS) chief Kenneth Amurao at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga sementeryo, na pinakamalaking sementeryo sa bansa.
Magiging istrikto ayon kay Moreno ang monitoring sa mga sementeryo mula Oktubre 15 hanggang Nobyembre 4.
Una nang ipinag-utos ng alkalde ang pansamantalang pagsasara sa MNC at sa MSC na pinamumunuan ni Jess Payad, gayundin ang lahat ng sementeryo at kolumbaryo sa lungsod mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3, na panahon ng Undas, para maiwasan ang pagdagsa doon ng mga tao, na maaaring mauwi sa hawaan ng virus.
Hinikayat pa ni Moreno ang mga residente na bumisita na lamang sa ibang araw sa puntod ng mga mahal nila sa buhay upang maipagdasal ang mga ito. (Andi Garcia)