Advertisers
“PROTEKTOR” at “paymaster” umano ng isang notoryus na organized crime group (OCG) na nakabase sa Biñan City, Laguna ang napaslang na kalihim ng konseho ng lungsod noong Oktubre 4, 2020.
Ito ang isa sa mga detalye na nakapaloob sa paunang ‘police report’ ng Biñan City Police Office sa tanggapan ni Calabarzon Police Director, BGen. Vicente Danao, hinggil sa ambus kay Edward “Edu” Alonte-Reyes, 55, na ikinasawi rin ng kaibigan nito na si Dr. Doni Leo Delrio Deocaris at pagkasugat ng babaeng kasama nila.
Si Alonte-Reyes ay pinsan ni dating mayor at ngayon ay House Deputy Speaker, Biñan City representative, Marlyn “Len” Alonte-Naguiat.
Ayon sa pulisya, si Alonte-Reyes ang “ikinanta” ni Mark Anthony “Ricky” Ayug-Sison na nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Calabarzon PNP, at Region 12 Police Office sa Midsayap, North Cotabato, noong Setyembre 7, 2020.
Si Sison ang lider ng notoryus na ‘Ayug/Pogi Sison Organized Crime Group’ na nakabase sa Biñan City at tinaguriang ‘Calabarzon No, 1 Most Wanted.’
Matapos maiharap kay Danao, nangako si Sison na makikipagtulungan sa pulisya upang malutas ang mga krimeng kinasasangkutan ng kanyang grupo na itinayo niya noong 2011 at nakabase sa Biñan City.
Anang mga impormante, si Alonte-Reyes ang tumayong “protektor” ng Ayug/Pogi Sison OCG na sabit sa mga kasong gun-for-hire, iligal na droga, robbery-extortion at iba pang karumal-dumal na krimen.
Isa umano sa mga “ikinanta” ni Sison kay Danao ay ang pagiging “paymaster” ni Alonte-Reyes sa kanilang grupo kungsaan kasama sa kanilang mga naging biktima ay anim na kasapi ng Biñan Police Office.
Binayaran umano sila ni Alonte-Reyes na “itumba” ang mga pulis dahil pursigido ang mga ito na labanan ang iligal na droga at iligal na sugal sa lungsod.
Bago pa man naitayo ang Ayug/Pogi Sison Group, ibinulgar pa ng ilang impormanteng pulis na “malapit” din si Alonte-Reyes sa ‘Fajardo OCG’ na nakabase naman sa Calamba City.
Isa sa mga karumal-dumal na krimen ng Fajardo Group ay ang ‘RCBC Bank Robbery Massacre’ na naganap sa Cabuyao noong 2008 kungsaan siyam na katao ang pinatay ng grupo.
Sakay ng kanyang Chevrolet Camaro si Alonte-Reyes at Deocaris nang harangin ng dalawang sasakyan pagsapit sa Jubilation South, Bgy. Zapote pasado 7:00 pm noong Oktubre 4. Agad na bumaba ang mga armadong kalalakihan at tinadtad ng bala si Alonte-Reyes kungsaan nadamay si Deocaris.
Umabot sa 74 basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril ang nakuha ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen; idineklara namang ‘dead on arrival’ (DOA) ang mga biktima matapos isugod sa Perpetual Help Hospital.
Marami umanong naging kaaway si Alonte-Reyes kungsaan bago ang ambus sinasabing may nakaaway din itong isa pang lokal na gambling lord hinggil sa isyu ng “teritoryo” kungsaan “nagbanta” rin umano ang biktima.