Advertisers
SUPORTADO ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill 1844 na magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo sa mga panahon ng national emergencies na magsuspinde ng requirements para sa national at local permits, licenses at certifications at ang pagpapabilis ng pagpo-proseso ng mga ito.
Sinabi ni Go na isa ito sa mga hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senate President Vicente Sotto III upang malabanan ang korapsyon sa gobyerno.
Ipinaliwanag ni Go na kailangang gumawa ng mga radikal na hakbang para maputol ang korapsyon at mapadali ang requirements at mga pagproseso ng mga dokumento sa bansa
Ayon kay Go, malinaw ang mensahe ng pangulo na prayoridad ng kanyang administrasyon ang mahigpit na anti-corruption campaign lalo pa ngayon na kailangang makabawi ng ekonomiya sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin ni Go na hindi lang nila gustong mapadali ang pagnenegosyo sa bansa kundi para mapuksa rin ang korapsyon dahil batid din ng mga negosyante na dahil sa korapsyon kaya mayroong mga pinapatulog na papel.
Dagdag pa ni Go na kabilin-bilinan din ni Pangulong Duterte na kapag may mga nag-o-offer ng suhol na mga negosyante, hindi dapat tulungan at sa halip ay mas tulungan ang mga hindi nagbibigay.
Hinimok din ni Go ang sambayanan na tulungan ang gobyerno sa paglaban sa korapsyon sa pamamagitan ng pagri-report sa mga maling gawain ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno. (Mylene Alfonso)