Advertisers
“WALANG towing sa Manila, clamping lang.”
Ito ang napag-alaman natin sa reliable sources sa Manila City Hall tungkol sa ginagawang panghahatak nitong Metalgear Towing Services na namumugad sa likod ng Manila Zoo sa Malate, Manila.
Kasama na nanghahatak ng tow truck ng Metalgear ang matatangkad na mga nakamotorsiklong nakauniporme ng MTPB (Manila Traffic and Parking Bureu).
Ang MTPB ay pinamumunuan ng isang Dennis Viaje.
Nitong Martes, Oct. 6, bandang 10:00 ng umaga, nanghatak ng mga kotse na pansamantalang naka-park sa tabi ng kalsada ang tow truck ng Metalgear na may plakang ABB 1062 sa kahabaan ng Moriones, Tondo. Magkakabit na kotse at SUV ang kanilang tinalian. Ipinagbabawal sa batas trapiko ang mag-tow ng kabit-kabit, delikado kasi at nakasisira ito ng sasakyan.
Napag-alaman pa nating hindi pare-parehas ang tubos sa mga nahahatak na kotse, pinakamababa P3,500 hanggang P6,000, depende sa tawaran ng may-ari ng sasak-yang nahatak.
Kung pinapayagan ni Yorme Kois ang towing sa Maynila na ino-operate ng pribadong kumpanya, lugi rito ang local government dahil magkano lang ang napupunta sa kaban ng lungsod, barya-barya lang. Tapos sira pa ang image ng mayor dahil siya ang namumura rito ng may-ari ng mga nahahatak. Sa isyung ito noon natalo si Lito Atienza kungsaan nung panahon niya ay mas marami pa ang towing na umiikot sa Maynila kesa mga pribadong sasak-yan.
Pero walang towing sa Maynila, sabi ni Yorme Kois. Ang towing ay on “ON CALL” lamang. Tatawagan lamang ito kung may nasisiraan na kailangan hatakin para ‘di makasagabal sa trapiko.
Sabi ng isang opisyal ng City Hall at ng babaeng closed friend ni Kois, clamping lang ang ipinapatupad ng LGU laban sa illegal parking.
Sa clamping, ang multa ay diretsa sa kaban ng Maynila. Dahil sa City hall mismo ito babayaran. Ito ang tama.
Pabor tayo sa araw-araw na clamping para malinis sa illegal parking ang mga pangunahing kalye sa lungsod. Pero sa towing, NO WAY! Towing company lang ang kumikita rito. Hindi serbisyo kundi perwisyo kay Yorme ang trabaho nila.
Again, Mr. Viaje, Sir!, kung hindi mo pa alam ang ginagawang panghahatak nitong Metalgear Towing Services sa Maynila, paki-aksiyunan lang… Milyones kada araw ang kinakamal ng towing company na ito mula sa bulsa ng mga motorista sa lungsod. Tuldukan!
***
Isang concerned citizen ang nag-text sa atin hinggil sa mabahong punerarya sa kanilang lugar sa Tondo:
“Gud am po. Report ko lang po itong Funeral Century dito sa Carmen st., Gagalangin-Juan Luna, Tondo, Manila. May dinadala pong mga patay dito sa morque, ang baho umaalingasaw po. Naaamoy po namin yung baho, may mga nag-iinoman pa pagdating ng alas-6pm, mga adik naka-tambay dyan, wala namang pakialam si Ch Edie U. Sana makarating ito kay Mayor Isko Moreno itong reklamo namin. Taga rito po kami sa taas ng Funeraria Century, mga nangungunpahan.”
Paging Manila City Health Department, paki-check lang po ang report na ito. Aksyon!