Advertisers
HINDI naging madali para sa ilang guro ng Balon Anito Elementary School sa bayan ng Mariveles, Bataan ang paghahatid ng learning modules sa kanilang mga estudyante.
Kinailangang umakyat ng ilan sa kanila sa masukal at matarik na bundok para maihatid sa kanilang mga estudyante sa Sitio Tinanlakan ang modules.
Muntik pa umanong matuklaw ng ahas ang gurong si Rica Villanueva.
“Napakadelikado po. Hindi po namin napansin na may ahas pala dun sa dinadaanan namin,” aniya.
Umabot ng isa’t kalahating oras ang tagal ng paglalakad bago narating ng mga guro ang Sitio Tinanlakan para maipamigay ang mga gagamiting module nitong Lunes, unang araw ng klase.
Ayon sa gurong si Rachel Villanueva, tanging ang mga module lamang ang maaring gamitin ng mga estudyante sa sitio dahil mahina ang signal ng cellphone sa lugar. May ilan ring estudyante na walang gadgets na gagamitin.
“Hindi po puwedeng mag-online talaga dahil signal nga lang po ng cellphone at cellphone lang po, wala po yung ibang bata. Wala pong ganung gadget ang mga magulang,” aniya.
Pero hindi dito natatapos ang buwis-buhay na eksena ng mga guro, dahil sa kanilang pag-uwi, isang oras na biyahe sa bangka naman ang kanilang hinarap.
Dahil sa lakas ng alon, nahulog sa tubig ang gurong si Jean Almoite nang pababa na sila ng bangka.
Malaking hamon para sa mga guro ang panibagong sistema ng edukasyon dahil sa pandemya.
Kaya tanging hiling nila, nawa’y mag-aral nang mabuti ang mga estudyante at gabayan ng mga magulang para hindi mapunta sa wala ang kanilang mga sakripisyo.