Advertisers

Advertisers

‘Piso WiFi’ mabenta sa online classes sa Baseco

0 294

Advertisers

MARAMING tindahan ngayon sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila ang nag-aalok ng “Piso WiFi” dahil sa pagtaas ng pangangailangan sa internet connection sa online classes.
Ang “Piso WiFi” ay makina na huhulugan lang ng pera para magkaroon ng WiFi sa device. Ang bilis ng internet depende sa lapit sa makina.
Pero ayon sa ilang ina sa Baseco, kahit P5 lang ang bayad kada oras, dagdag-gastos parin ito lalo’t araw-araw kakailanganing gamitin ang “Piso WiFi” at maliit lang ang budget ng kanilang mga pamilya.
“Magastos parin ‘yon kahit sabihin mong Piso WiFi,” anang inang si April Joy Pandi.
Nariyan din umano ang problema sa kakulangan sa gadget. May mga pagkakataon na apat na bata ang naghahati-hati sa iisang ipinamigay na tablet.
“Wala kami pambili gadget, wala kami pera, walang trabaho, kasi nagka-lockdown,” anang ina na si Aliyah Gumaro, asawa ng tricycle driver.
“Problema kung magkapareho schedule ng mga bata. Paano kung sabay-sabay? Mahirap kasi kulang gadget,” sabi naman ni Pandi.
Kakulangan sa gadgets, modules at mahinang internet connectivity ang ilan sa mga hamong sumulpot sa unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan nitong Lunes.
Nauna nang iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na tutugunan ng kaniyang kagawaran ang ano mang hamon sa distance learning.(Jocelyn Domenden)