Advertisers
SA loob ng isang jeepney nagsagawa ng online class ang magpinsan sa Quezon City nitong Martes, ikalawang araw ng pagbubukas ng klase nitong school year 2020-2021.
Ang jeepney na ito ang nagsisilbi ring pansamantalang tahanan ng pamilya.
Hindi pa pumapasada ang jeep na may rutang Visayas Avenue simula nang mag-lockdown noong Marso 17.
Gamit ang iisang cellphone ng magulang, nagsumikap ang magpinsan na mag-attend sa online classes ng New Era Elementary School para sa Grade 3 at Grade 4 nitong Martes ng umaga.
Hiraman din sila ng headset para marinig nilang mabuti ang kanilang mga guro.
May mabait silang kapitbahay na pinayagan silang gamitin ang Wi-Fi nito para sa mga klase ng mga bata.
Ang problema lang, parehong kailangan dumalo ng magpinsan sa kanya-kanyang online class nitong umaga ng Martes.
Pagsapit naman ng alas-11:00 ng umaga, makikigamit naman ng parehong cellphone ang isa pa nilang pinsan para naman sa kanyang online class.
Aminado ang magpinsan na mahirap ito para sa kanila pero kai-langan nilang gawin para makapagtapos sila ng pag-aaral.
Nangangamba ang pamilya na baka kunin na ng operator ang jeepney na ito dahil hindi na nakakapasada, at kailangan nilang maghanap ng matitirahan. (Boy Celario)