Advertisers
SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang budget sa 2021 ng Department of Justice kasabay ng apela sa ahensiya na lalo pang palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, kriminalidad at korapsyon.
Pinuri ni Go ang ahensiya bilang isang malaking intrumento sa pagtiyak na magtatagumpay ang pamahalaan sa mga inisyatiba nito kontra illegal drugs, corruption at criminality.
“I understand and recognize the crucial role the DOJ and its attached agencies play in maintaining the rule of law in our country, which is why I have pushed for and supported measures for the betterment of the department,” ani Go.
“I filed Senate Bill 1649 in support of the modernization of the Bureau of Immigration. I have also supported significant changes in the workings of the Bureau of Corrections and the National Bureau of Investigation or the NBI,” dagdag niya.
Hinimok niya ang DOJ at ang mga attachewd agency nito na lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang trabaho sa harap ng pandemya at pataasin ang matagumpay na pag-uusig sa mga sangkot sa kasong illegal drugs.
“Maliban lang po sa mga nababalitang corrupt na mga prosecutors, nabibili po ‘yung kaso. Alam kong mas marami ang mas matitino. At binabantayan po ni Secretary Guevarra ang kanyang departamento,”anang senador.
Hinamon din niya si BuCor Director General Gerald Bantag na ipagpatuloy ang mga reporma at pagsasaayos ng kondisyon sa sistema ng bilangguan.
“Full support po kami sa’yo dyan, DG Bantag, at gawin mo lang kung ano ‘yung tama, at linisin mo ang BuCor. ‘Yan naman ang pinapaalala sa’yo, do what is right, at linisin mo. Alam mo, malaki ang expectation ni Pangulong Duterte sa’yo dyan para linisin mo ang BuCor,” sabi ni Go.
Maging ang mahalagang papel na ginagawa ng Bureau of Immigration ay pinuri niya sa pagsasabing sinisikap ng administrasyon na maisaayos ang benepisyo ng mga tapat na kawani nito.
Nanawagan siya gayunman sa mga opisyal ng ahensiya na linisin ang kanilang hanay at buwagin ang systemic corruption sa kawanihan.
“Sa ilang mga corrupt dyan sa Bureau of Immigration, tumigil na kayo. Huwag ninyo ng intayin na ipakain sa inyo ang pastillas na pera na kinotong ninyo ang laman. Huwag ninyo ng intayin na umabot pa sa puntong ‘yan,” ani Go.
Para naman kay NBI director Eric Distor, hinamon siya ni Go na dapat ay laging ipatas ang pagpapatupad ng batas na walang kinikilingan sa mga lumalabag.
“Katulad ng palagi kong sinasabi, walang dapat piliin. Walang dapat paboran. Dapat lahat ay pantay-pantay sa mata ng batas. Mahirap man o mayaman, lahat tayo ay may karapatan sa ilalim ng batas. Kamakailan lang ay mayroon silang hinuli na mismong kasamahan nila. Walang pinipili ang batas, basta mali, huli ka,” ayon pa sa mambabatas. (PFT Team)