Advertisers
LAGUNA – Patay ang isang city council secretary at kasama nitong duktor, habang sugatan ang kasama nilang babae nang tambangan sa bahagi ng Jubilation Road, Barangay San Antonio, Binan City, Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Police Lt. Col. Giovani Martinez, hepe ng pulisya, ang mga biktima ay sina Binan City Sanggunian Secretary Edward Reyes, 57, residente ng Jubilation East, Brgy. Zapote; at Dr. Don Deocares ng Golden Meadow, Brgy. San Antonio.
Ang mga nasawi ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa kanilang ulo at katawan, habang nasugatan sa hita ang kasama nilang babae mula sa M16 Armalite rifle na ginamit ng mga nanambang
Sinabi sa ulat na 7:30 ng gabi nang harangin ng gunmen ang minamanehong kotse ni Reyes na kulay asul na Chevrolet RS habang papauwi ang mga ito galing sa isang pagdiriwang, ika-52 taon anibersaryo ng Tau Gamma.
Mabilis na tumakas ang mga nanambang na sakay ng dalawang SUVs.
Ito ang ikalawang pananambang kay Reyes. Noong Oktubre 4, 2017, tanghali, ay tinambangan narin siya sa harapan mismo ng Binan City Hall habang sakay ng kulay itim niyang Toyota Land Cruiser.
Sa unang pagtangka sa kanyang buhay, malubhang nasugatan si Reyes, pero ang kanyang badigard na retiradong pulis na si Salvador Zapata ay nasawi.
Si Reyes ay ama ng pangulo ng Councilors League ng lalawigang ito na si Bokal Dada Reyes.
Si Deocares naman ay manugang ni Binan City Ex-Mayor Boy Perez.
Kaugnay nito, mariing kinondena ng samahan ng Tau Gamma Fraternity ang pamamaslang kina Reyes at Deocares .
Nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon sa krimen. (DICK GARAY)