Advertisers
IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan at sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease na mahigpit munang pag-aralan ang lagay ng mga piling lugar lalo ‘yung nasa ilalim pa ng modified enhanced o general community quarantine bago luwagan ang kanilang sitwasyon dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease o COVID-19 sa bansa at hanggang wala pang bakuna.
“Ako, ‘wag natin madaliin. Unahin muna natin ang pagprotekta sa buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Go sa pagbubukas ng 85th Malasakit Center sa National Center for Mental Health in Mandaluyong City.
Umapela ang senador sa publiko na maging mahinahon at unawain muna ang pag-aaral na isasagawa ng IATF sa sitwasyon ng mga lugar na nasa community quarantine measures.
“Sumunod tayo sa IATF, sa ating Task Force, pinag-aaralan nila bawat araw, bawat linggo, bawat buwan ay pinag-aaralan po nila ang mga quarantine restrictions,” ani Go.
“Kung ano puwedeng luwangan at puwedeng higpitan at kung ano ang pinagbabawal at ano po ang puwede na. Sumunod muna tayo,” dagdag niya.
Muling ipinaalala ni Go na dapat unahin ang kalusugan at kaligtasan ng Filipinos sa pagpapabangon ng ating ekonomiya.
“Ito po ang tandaan natin, between economy and health, para sa akin, mas importante po ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Go.
“Ang pera po ay ating kikitain pero ang perang kikitain natin ay hindi po puwedeng bumili ng buhay dahil isang beses lang tayo mabubuhay dito sa mundong ito. Kaya ingat tayo, pangalagaan natin ang kalusugan ng bawat Pilipino, unahin po natin ang health, buhay ang unahin natin,” paliwanag ng senador.
Tiniyak niya na sakaling mayroon nang bakuna laban COVID-19 ay uunahin ang mahihirap, vulnerable sectors at frontliners.
“Huwag kayong mag-alala kapag mayroon na pong vaccine gaya nang ipinangako ni Pangulong Duterte, kapag safe na po ang vaccine at pumasa na po ito sa FDA at DOH, uunahin namin ni Pangulong Duterte ‘yung mga mahihirap, mga frontliners, at mga vulnerable po,” sabi ni Go.
“’Yung mga kailangang lumabas at magtrabaho at kailangan nila maghanap buhay, sila po ‘yung uunahin natin para makabalik na po sa normal ang kanilang pamumuhay,” habol niya. (PFT Team)