Advertisers

Advertisers

Killer/holdaper ng mami vendor sa Maynila ‘kulong for life’

7 months lang naigawad agad ang hustisya!

0 308

Advertisers

PINATAWAN ng parusang ‘reclusion perpetua’ ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang lalaking akusado sa pagpatay sa pares vendor noong Pebrero sa Baseco Compound, Port Area, Manila.
Sa limang pahinang kautusan ni RTC Judge Teresita Patrimonio-Soriaso ng Branch 27, inatasan din niya ang akusadong si Alexander Ogdamina alyas “Kalbo”, 38, na magbayad ng kabuuang halagang P185,000 sa pamilya ng pinaslang na si Samson Bautista bilang danyos at karagdagang P10,000 na halagang kanyang kinulimbat sa biktima.
Inilabas ni Judge Soriaso ang desisyon noon pang Setyembre 16, 2020, pitong buwan ang nakakaraan nang isagawa ni Ogdamina ang panghoholdap at pagpatay sa biktima noong Pebrero 18 , 1:15 ng madaling araw sa tapat mismo ng tinitirhan ni Bautista sa Batang Bayani Street, Baseco Compound, bagama’t hindi kaagad hindi kaagad ipinabatid sa publiko ang paggawad ng hatol.
Naging mabilis ang pagkaloob ng katarungan sa pamilya ng pinaslang dahil narin sa pag-amin ni Ogdamina sa krimen nang basahan ng sakdal noong Marso 6, 2020, bukod pa sa matitibay na pahayag ng mga testigong iniharap ni Assistant City Prosecutor Dyanne Joaquin na tumayong tagausig nang isagawa ang paglilitis.
Hindi rin nagprisinta ng kanyang depensa si Ogdamina sa kabila ng pagkakaloob sa kanya ng sapat na panahon ng hukom kaya’t maagang natapos ang paglilitis sa usapin.
Si Bautista, kasama ang testigong si Jayson Villanueva, ay hinarang at tinutukan ng baril ni Ogdamina sabay hablot sa sling bag na nakasukbit sa leeg ng vendor, subali’t nang hindi kaagad nito nakuha ay pinaputukan sa leeg ang biktima bago tumakas, tangay ang bag na naglalaman ng salaping kinita sa pagtitinda ng mami.
Naging viral sa social media ang insidente na nakuhanan ng CCTV kaya’t iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang agarang pagdakip sa salarin na naging dahilan upang mabilis siyang maaresto, halos 24-oras lamang makaraang ang pagpatay.(Jocelyn Domenden)