Advertisers
HINDI tinanggap ng mga kongresista ang alok na pagbibitiw ni Speaker Alan Peter Cayetano sa botong 184 na “Yes”, isang “No” at 9 na abstention.
Wala talagang malakas na suporta si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, kasi kahit ang mga kaalyado niya sa PDP-Laban, sumama sa tropa nina Michael “Mike” Tan Defensor, Rodante Marcoleta, Elpidio “Pidi” Barzaga, Danilo “Dan” Fernandez at Jesus Crispin “Boying” Remulla na ‘wag tanggapin ang biglaang pagre-resign ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Sabi ng mga nasa miting sa Malakanyang noong Martes, kung pumayag si Velasco sa pakiusap ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na pabayaan muna si Cayetano na tapusin ang budget hearing hanggang Disyembre, sa New Year, siya na ang bagong speaker.
Maraming beses niyang tinanggihan ang pakiusap ng Pangulo, hayan, nabulilyaso ang pangarap niya.
E kasi, ano raw si Velasco …eng-eng?
***
Mali, hindi totoo na iba-ban ang Facebook – na 57 accounts, 31 pages, at mahigit sa 20 Instagram page ang binura, kasi, sabi ng Fact checkers ay ano raw, nag-violate sa community standards at na bukod sa fake accounts, nagpapakalat pa ng fake news.
Ang birada kasi ng mga angry yellow birds desidido si Presidente Rodrigo Roa Duterte na ipagbawal na ang FB, na sabi ni Presidential Spox Secretary Harry Roque ay isang “fake news.”
Walang ganoong sinabi ang Pangulo na totoong “nabahala,” (sorry, VP Leni, pahiram muna ng inyong patented na “nakakabahala” sa iyong mga speech at mensahe) sa pag-aalis ng mga accounts ng AFP at ng PNP at ng kanyang mga supporters.
E, sabi ng Presidente, pinayagan niyang mag-operate ang FB sa Pilipinas sa pagtitiwalang matutulungan siya at tutulong na maipalaganap ang adbokasiya ng gobyerno.
E, kung hindi naman tutulong, e ano pa ang silbi ng FB, pero wala siyang sinabi na iba-ban niya ito.
Sabi niya, “hindi ko alam ang gagawin ko, pero mag-usap tayo.”
***
Ang isinasama ng loob ng Pangulo, ang fact (not fuck?) checker ng FB sa Pilipinas, e mga aminadong anti-Duterte, sina convicted Maria Ressa, Ellen Tordesillas ng Vera Files at si Clare Cattleya de Guzman Amador, head of public policy ng FB Philippines na dating tauhan ni PNoy at Mar Roxas.
Bakit daw ang FB accounts at pages ng CPP at ng NPA na lantarang nag-aadvocate ng pagpapatalsik sa gobyerno ay hindi tinanggal ng FB, at nanatiling nakaposte ang accounts ng mga ‘yellow angry birds’ at ang accounts ng mga grupong lantaran at kilalang tagasuporta ng Communist Party of the Philippines.
Yung account ng mga nanay ng mga kabataang nahikayat ng partido ng Makabayan bloc na umakyat sa bundok ay tinanggal din.
Sabi ng Hands Off Our Children, kakampi ba ng FB ang mga rebelde at pati ang account nila ay sinibak?
Sinusulat ito, nagsabi ang FB PH na makikipag-dialogue sila sa Pangulo.
***
Bastusan na yata ang labanan, dear readers, o wala talagang takot ang mga taga-Globe at PLDT Smart?
Opening na ng klase ngayong Lunes, Oktubre 5, pero hanggang ngayon ang bagal-bagal ng internet connection natin!
Ayaw natin na mangyari ito, pero may peligro na pumalpak ang online learning ng mga bata, kasi paano makakaasa ng matinong connectivity kung hanggang ngayon, puro dahilan, puro pangako lang ang kayang tuparin ng dalawang giant telcos.
Mas inuuna nila ang magreklamo na kesyo problema ang pagtatayo ng tower; kesyo bakit daw nagtatayo ang kompanyang Dito telecom ng mga tower sa military camps?
Pinasasabog ng New People’s Army (NPA) ang mga tower ng Smart at Globe kapag hindi nagbigay ng ‘protection money’.
Mas ligtas ang tower sa loob ng kampo militar, tama po ba?
Kesyo, gagamitin daw sa espionage ang mga tower ng Dito; naman, naman, e ang US ba, hindi nag-eespiya sa atin?
***
Ang tagal daw namang mag-resign ni Tatay Digong, birada ng mga kritiko niya, bilang reaksiyon sa plano niya na mag-resign dahil sa pagkadismaya sa walang tigil na korapsyon at katiwalian sa gobyerno.
Naman. Hanggang ngayon, hindi pa nyo mabasa ang kilos at takbo ng utak ng Pangulo.
Sabi sa “The Art of War,” isa sa paraan upang mapahina at matalo ang kalaban ay lituhin, guluhin, takutin, gaguhin ang kalaban.
***
Kung balak ni PRRD na buwagin na ang “FailHealth,” isabay na rin niya ang pagbalasa sa Immigration, Land Transportation Office, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Land Registration Authority, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at sa iba pang ahensiya na talamak ang korapsiyon.
Utusan niya magbitiw ang mga hepe at mga nasasangkot na opisyal sa korapsiyon at kung hindi mag-resign, utusan niya si Justice Secretary Menardo Guevarra at ang National Bureau of Investigation na magsampa ng mga kaso.
At ipamadali ang pagbabalik ng death penalty, tingnan natin kung hindi sila biglang tumino sa takot na ma-lethal injection.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang po sa bampurisima@yahoo.com.