Advertisers

Advertisers

HARI-HARI, PROTEKTADO!

0 654

Advertisers

KUNG hindi protektado ang operasyon ng petroleum, chemical at oil product pilferage ng tinataguriang “Buriki King” sa Batangas at Cavite ay imposibleng makapaglatag ang mga ito ng di mabilang sa dami na mga outlet ng mga naturang nakaw na produkto.

Ang pinakamalakas na bentahan ng pinaihing produktong petrolyo, oil product at iba pang kemiko ay matatagpuan sa mga siyudad ng Lipa at Tanauan, kapwa mga premyadong lungsod sa probinsya ng Batangas at sa Munisipalidad ng Carmona sa lalawigan naman ng Cavite.

Ang kapulisan ng probinsya ng Batangas ay nasa pamumuno ni P/Col. Rex Arvin Malimban samantalang si P/Col. Marlon Santos ang PNP Provincial Director ng Cavite. Ang naturang mga lalawigan ay nasa hurisdiksyon naman ni PNP Regional Director, PBG Vicente Danao Jr.



Sa Batangas, walang hindi nakakakilala kay Estolano, sa Cavite naman ay bukang-bibig ang pangalan ni Bokal Cholo at Amang Kupal. Ang mga ito ang mga kinikilalang hari-hari sa kanilang balwarte sa Batangas at Cavite sa pag-ooperate ng labag sa batas na burikian, paihian, pasingawan at patuluan ng krudo, gasolina, kerosene gas, liquified petroleum gas (LPG) at maging jet-A fuel at iba’t-ibang uri ng chemical.

Dati-rati ay pangkaraniwang petroleum dealer lamang si Estolano, samantalang si Cholo ay matunog namang politiko. Si Amang kupal ay sidekick naman ni Cholo.

Ngunit nang pasukin ng mga ito ang operasyon ng burikian o pilferage operation, ay biglang naging milyonaryo na ang mga ito. Ginagamit din nina Estolano, Cholo at Amang Kupal na front ang kanilang burikian sa pagtutulak ng shabu at iba pang uri ng iligal na droga.

Liban sa may sariling pwesto ng burikian, umaangkat din si Estolano ng malaking kantidad ng nakaw na produktong petrolyo sa magbuburiki sa Batangas City na matatagpuan sa Brgy. Sta. Rita Aplaya at Brgy. Danglayan. Ang shabu naman at iba pang uri ng droga ay isinu-supply ng kanilang mga kontak sa Bureau of Customs (BOC).

Ang mga ninanakaw na petroleum product ay nakaimbak sa dalawang barges na naka-angla sa Brgy. Sta. Rita Aplaya at Danglayan at ipinahahakot ng tanker at capsule truck ng isang police colonel at ni Estolano patungo sa mga outlets sa mga syudad ng Lipa, Tanauan at iba’t-ibang panig ng Luzon. Nagpapa-deliver din ang mga ito ng mga kinulimbat na produkto sa mga lalawigan ng MIMAROPA at Kabisayaan.



Inaangkat ni Estolano sa Batangas City based pilferage group sa mababang halaga ang mga nasabing produkto at itinitingi rin sa kung tawagin ay container at bote-boteng iligal na gasolinahan. Suki ni Estolano ang mga truck, jeep at tricycle driver sa Lipa City at Tanauan City.

May mga itinitingi ring langis at kerosene si Estolano sa mga pwesto nito sa Brgy. Bolbok, Poblacion 1- Poblacion 12, San Carlos, Balintawak, Sabang, Bulacnin, Anilao, Anilao Labac, Bagong Pook, Bulaklakan, Dagatan, Calamias, Antipolo del Norte, Antipolo del Sur, Cumba,Tambo, Pinagkawitan, Inosluban, Kayumanggi, Mabini, Banay-banay, Pangao, Sampaguita, Santo Toribio, Pinagtungolan, Bugtong na Pulo, Lodlod, Pusil, San Sebastian, San Benito, at iba pang mga lugar sa Lipa City.

Sa Tanauan City ay may mga outlet din si Estolano sa mga Brgy. Santor, Ulango, Balele, Poblacion1- Poblacion 7, Sambat, Darasa, Sulpoc, Suplang, Talaga, Cale, Tinurik, Trapiche, Wawa, Janopol, Laurel, Luyos, Mabini, Malaking Pulo, Sala, Sambat, San Jose, Natatas, Pagaspas, Pantay Matanda, Pantay na Bata, Ambulong, Banadero, Maugat, Bagbag, Bagumbayan at iba pa.

Kahit pa nga sa mga tabi lamang ng mga barangay hall ay nakapaglalatag sa mga gilid ng kalsada at sidewalk ng mga nakaw na produkto si Estolano.

Bagama’t nasa mga gilid nga lamang ng pangunahing kalsada sa Lipa City at Tanauan City ang mga iligal na mga tingian ng gasolina, krudo at iba pang petrolyo ay parang ligal ang operasyon nito pagkat di naman tinitinag nina Lipa City Police Chief, LtCol Antonio Rotol Jr., at Tanauan City Police Chief, LtCol. Victor Sobrepeña.

Maraming pulis at barangay chairman ang nasa payola ni Estolano. Kaya naman DILG Secretary Eduardo Año, take note please? Sina Lipa City Mayor Eric Africa at Mayora Angeline “Sweet” Halili ng Tanauan City, nasa payola rin kaya ni Estolano?

Tumatabo ng milyones na salapi si Estolano, sapat para patahimikin ang ilang mga korap na opisyales at kagawad ng pulisya, CIDG, DILG at iba pang law enforcement agencies ng pamahalaan.

Kapag nasisita naman si Estolano ng ilang di kapanalig na pulis at iba pang awtoridad ay ipingangalandaka nitong may permiso siya nina hepe. Sino kayang hepe ang tinutukoy nitong si Estolano?

Aakalain nga naman na talagang may bendisyon dito ang kapulisan, gobernador, mayor at barangay officials pagkat di ito tinitinag ng mga operatiba nina Rotol Jr., at Sobrepeña at maging ng Batangas PNP Provincial Police Offices. Kaya naman binabansagan nga ito bilang “Buriki King” ng Batangas.

Samantala ilang dekada na rin ang operasyon ng burikian ni Cholo at Amang Kupal sa Cavite at hayag ang kinaroroonan ng kuta nito sa Brgy. Bancal, sa bayan ng Carmona ngunit di ito kinakante ng mga tauhan ni Carmona Municipal Police Chief, P/Maj. Diana DC Del Rosario.

Liban sa nagnanakaw nina Cholo at Amang Kupal ng petroleum, LPG at oil product ay nagpapaihi rin ang mga ito ng molasses mula sa Central Azucarera De Don Pedro sa Nasugbu, Batangas at mantika na nagmumula sa Metro Manila at Bicol Region.

Ipinagyayabang nina Cholo at Amang Kupal na malaki ang kanilang pinakawawalang intelhencia para sa ilang korap na kapulisan sa Cavite, mga tanggapan ng PNP Region 4-A, Camp Vicente Lim, Laguna at hanggang sa iba’t-ibang tanggapan sa PNP General Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Kinukumpirma natin kung may “parating” din ang salot na sina Cholo at Amang Kupal sa tanggapan ni Cavite Governor Junvic Remulla at Carmona Mayor Roy Loyola?

Kung kailan pa naupong PD si Col. Santos ay saka naman lalong naging palasak ang operasyon ng mga nasabing iligalista at ang matindi pa ay armado ng matataas na kalibreng baril ang mga tauhang nagbabantay sa burikian nina Cholo at Amang Kupal.

Pinalulutang ni Bokal Cholo na kumpare nito at kababayan pa si PD Santos, kaya di raw maaatim ng matikas na colonel na lansagin ang kanyang burikian. May bodega rin ng shabu at taguan pa ng iba’t-ibang kalibre na baril sina Cholo at Amang Kupal. Gayunman, tiwala rin tayo kay PD Santos at di agad natin sasagpangin ang ipinamamalita ng nasabing iligalista.

Si Carmona lady cop, Del Rosario ay napagdududahan naman na tila namamantikaan din ang nguso nina Bokal Cholo at Amang Kupal. Hindi kasi mabenta ang alibi ni Del Rosario na di nito naaamoy ang pailegal nina Cholo at Amang Kupal sa Brgy. Bancal.

Hindi kalayuan sa Loyola Street, Brgy. Naduya na kinaroroonan ng Carmona Police Headquarters ang kuta nina Cholo at Amang Kupal.

Sana putulin na ni Col. Santos ang pamamayagpag ni Cholo, ang tinataguriang “”Hari ng Buriki” sa Cavite at ng alalay nitong si Amang Kupal.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at new email: sianing52@gmail.com