Advertisers
NABUNYAG ang pagratsada ng ‘DA Express’ (Food and Drug Administration) pabor sa isang kumpanya na gumagawa at distributor ng cosmetic products matapos mabigyan ng bagong ‘Certificate of Product Registration’ (CPR) para sa mga produktong una nang ipinatanggal ng FDA sa merkado dahil sa mga paglabag sa batas.
Nabatid na nitong Oktubre 1, 2020, muling binigyan ng FDA sa pamamagitan ni Engr. Ana Trinidad F. Rivera, FDA director, Center for Cosmetics Registration and Research (CCRR), ng bagong CPR ang Healthy Innovation Distribution, isang kumpanya na nakabase sa Santolan, Pasig City.
Ang bagong CPR ay para sa mga produkto ng Healthy Innovation na sakop ng FDA Advisory 2020-1738 na nagbababala sa publiko na huwag bilhin ang 50 produktong kosmetiko ng Healthy Innovation dahil sa mga paglabag sa batas katulad ng misbranded, false labeling,unsubstantiated claims at misinformation on the products’ labels.
Nabatid na nitong nakaraang buwan ay isang sorpresang pagbisita ang isinagawa ng FDA sa tanggapan ng kumpanya at nabisto ang mga umano’y paglabag nito sa batas.
Lumabas din sa isinagawang laboratory test ng mga independent third-party laboratories na ilan sa mga produkto ay walang tinataglay na “SPF” (sun protection factor) bagaman nakalagay ito sa kanilang product label.
Ang ilan sa mga ito ay ang: Fresh Skinlab 98% Tomato Glass Skin Sungel with SPF50; Fresh Skinlab 98% Tomato Glass Skin Water Drop Cream With SPF30; Sunglow By Fresh Tinted Lipscreen With SPF 50; Fresh Skinlab Tomato Face and Body Mist SPF50; Sunglow Fresh Sun Mist SPF50; Fresh Skinlab Collagen Glow and Tone Face and Body Mist SPF50; at Fresh Skinlab Aloe Vera Hydrate and Restore Face and Body Mist SPF50.
Ayon sa mga impormante, si Rivera rin ang lumagda sa Report of Violations (ROVs) ng Healthy Innovation noong Setyembre 28, na panimulang hakbang upang matanggalan ng lisensiya ang kumpanya at ang CPR nito para sa mga naturang produkto.
Anila pa, inilabas naman ang bagong CPR nitong Oktubre 1, bagaman isang araw palang ang nakalipas matapos matanggap ng Legal Support Service Center (LSSC) ng FDA ang ulat ni Rivera at hindi pa man napag-uusapan ang mga nasilip na paglabag ng kumpanya.
Wala rin umanong isinumite na ‘laboratory test’ ang Healthy Innovation upang pasubalian ang ulat ng mga third-party laboratories hinggil sa mga produkto nito.
Pinansin pa ng mga impormante na umaabot sa isang buwan ang normal na proseso ng CPR kumpara sa isang araw na itinagal ng aplikasyon ng Healthy Innovation. (PFT Team)