Advertisers
MAKUKUMPLETO na ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang target na makapagpamigay ng may isang milyong libreng washable face masks sa mga residente na walang kakayahang makabili nito.
Ito ang inihayag ng alkalde, kasabay nang pagtanggap nila ni Vice Mayor Honey Lacuna ng libu-libong disposable face protection mula sa negosyanteng si Frederick Siy ng Powerhouse Group nitong weekend.
Kasabay nito, pinuri rin ni Moreno sina Public Employment Service Office (PESO) Director Fernan Bermejo dahil sa pagkuha ng mga hard-working na mananahi at mga master cutters upang mas mabilis nilang maabot ang kanilang target, kumpara sa inaasahan.
Ikinuwento ni Moreno kay Siy at sa kanyang mga kasamang sina Michael Ong at William Quilala, na ang bilang ng mga washable face masks na natapos nang tahiin ay nasa 925,389 na ngayon, sa ilalim ng Face Masks Sewing Livelihood Program ni Bermejo.
Nitong Biyernes itinurn-over ni Siy kina Moreno at Lacuna ang donasyon na binubuo ng 122,500 na KN95 face masks; 70,000 disposable face masks at 90,000 face shields.
Sa pagbibigay ng donasyon, sinabi ni Siy na naniniwala sila sa pamumuno ni Moreno dahil sa ipinapakita nitong sinserong malasakit sa mga mahihirap, kaya’t ang Maynila ang napili niyang maging recipient ng kaniyang kontribusyon sa laban kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pinasalamatan naman ni Moreno si Siy at tiniyak dito at sa kanyang grupo, na malayo ang mararating ng kanilang tulong.
Ibibigay aniya nila ang mga donated face masks sa mga pagamutan para magamit ng mga hospital personnel, gayundin sa mga health centers at iba pang frontline offices gaya ng department of social welfare sa ilalim ni Re Fugoso at Manila Health Department na pinamumunuan naman ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Inianunsiyo na rin ng alkalde na mamamahagi rin sila ng libreng face masks sa mga public utility drivers upang matiyak na protektado sila at ang kanilang mga pasahero laban sa virus.
Nauna rito, may 100 manggagawa ang kinuha ng city government noong unang linggo ng Hunyo upang magsagawa ng mass production ng mga washable face masks, dahil masyado aniyang mahal ang mga disposable face masks.
Ang naturang isang milyong masks ay target na inisyal na maipamigay sa may residente na inisyuhan ng quarantine passes sa lungsod.
Ayon sa alkalde, ang kanyang ideya ay halaw sa ginawa ng Czechoslovakia kung saan ang mga mamamayan ay nagkusa upang gumawa ng maraming face masks at ipagkaloob sa lahat ng mamamayan, kaya’t mabilis na napababa ang infection rate doon.
Sa ilalim ng PESO program, ang lungsod ang magbibigay ng mga kailangang materyales at ang budget para dito ay hindi kukuhin sa kaban ng lungsod, kundi mula sa cash donations na natatanggap ng lokal na pamahalaan mula sa mga donors mula dito at sa ibayong dagat, na nais tumulong sa kanilang laban kontra sa COVID-19.
Bumili rin ang lungsod ng 50 makina at sa pakikipag-koordinasyon kay Universidad de Manila president Malou Tyquia, ay ipinakalat ang mga makina sa may limang silid-aralan.
Sa pamamagitan ng programa, hindi lamang napaigting ang laban ng lungsod kontra sa COVID-19 kundi nabigyan pa ng pagkakataon ang mga residente na magkaroon ng pagkakakitaan.
Nabatid na ang bayad sa mga ito ay production-based, na nangangahulugang babayaran sila base sa dami ng face mask na kanilang manggagawa. (Andi Garcia)