Advertisers

Advertisers

SAPUL SI DIGONG

0 394

Advertisers

HINDI si Alan Peter Cayetano ang magdurusa kapag hindi kinilala ang 15-21 term-sharing agreement at nagpatuloy siyang ispiker. Si Rodrigo Duterte ang tatamaan ng lahat ng batikos. Sa mukha ni Duterte, hindi kay Cayetano, babalandra ang kontrobersiya.

Lalabas na kinukusunti ni Duterte ang kabastusan, kawalang-galang, at kawalanghiyaan ni Cayetano sa usapan. Titingkad na sinusuportahan ni Duterte ang kataksilan taksil ni Cayetano sa usapan ng mga maginoo. Sasabog sa mukha niya ang kalokohan ni Cayetano. Hindi maaawat ang opinyon publiko.

Handa si Cayetano sa mga masamang ibubunga ng kanyang pangunguyapit sa poder. Hindi niya alintana ang pagkawasak ng kanyang reputasyon sa pulitika. Balewala ang kritisismo. Kinukutya pa nga ang mga katunggali sa pulitika. Hindi tatagal ang kanyang punto sa pingkian ng galing sa puilitika.



Sapagkat hindi nagtatrabaho si Duterte at nananatiling nakatago sa kanyang lungga, hindi niya batid ang mga maniobra ni Cayetano. Mahalaga na lumantad si Duterte at ipaalam sa publiko kung ano ang totoong nangyari sa pulong nila sa Malakanyang noong Martes ng gabi.

Inaasahan na lalantad muli sa telebisyon si Duterte bukas ng gabi. Haharap siya sa bayan at ipaliliwanag ang ginagawa ng kanyang gobyerno sa mga usapin ng kasama na ang pandemya. Pagkakataon ni Duterte na linawin sa bansa ang nangyari noong Martes ng gabi.

Kailangan ipahayag ni Duterte kung totoo ang sinasabi ni Cayetano na pumayag na una sa panukala ng huli na manatili sa pagiging ispiker ng Kamara de Representante. Kailangan ipaliwanag ni Duterte kung may bahid ng katotohanan ang inaangkin ni Kin. Lord Allan Velasco ng Marinduque na inobliga ni Duterte ang magkabilang panig na ipatupad ang term sharing agreement kung saan ispiker si Cayetano sa unang 15 buwan at hahalili si Velasco sa susunod na 21 buwan hanggang matapos ang termino sa 2022.
Kailangan pigilin ni Duterte si Cayetano sa pagganti kay Velasco at mga kapanalig. Kung magkakasama sila sa naghaharing koalisyon, hindi maganda ang mga gantihan sapagkat wala itong kahihinatnan kundi samaan ng loob. Kailangan rendahan si Cayetano sapagkat nagiging benggatibo si Cayetano.
Kailangan maintindihan ni Cayetano na kahit manatili siya sa poder bilang ispiker, iisa ang hatol sa kanya ng kasaysayan. Hindi siya lalaking kausap at hindi maginoo. Kahit kakampi ay tatarakan sa likod basta manatili lang sa poder. Kapit-tuko, sa madaling salita. Hindi maganda ang sasabihin ng kasaysayan.

***

NAGLABAS noong Biyernes ng gabi ng isang video clip ang ABS-CBN News kung saan ipinaliwanag si Velasco ng kanyang panig sa kontrobersiya. Ayon kay Velasco, ang pambansang budget ang dahilan kung bakit nangunguyapit si Cayetano sa poder. Ayaw bitawan ni Cayetano ang pagiging ispiker sapagkat nais niyang masiguro na makukuha niya at ng kanyang kapanalig ang malaking bahagi ng pambansang budget para sa 2021., aniya.



“Budget ba ito ng bayan, o budget na barkada mo?” ani Velasco kahit na inakusahan niya si Cayetano ng “blackmail” kay Duterte. Humingi siya ng paumanhin sa sambayanan dahil sa awayan nila sa Kamara at nagsabing “nakakahiya ang mga pangyayari.”

Sinabi ni Velasco na hindi niya tatalikuran ang naunang pinagkasunduan nila ni Cayetano sa harap ni Duterte. Si Cayetano ang tumalikod, aniya. “Ako po ay isang tunay na lalaki at may palabra de honor,” ani Velasco. Hindi nagustuhan ni Velasco ang mga sinabi ni Cayetano na “tamad” siya at hindi hinaharap ang kanyang mga gawain. “I’ve worked consistently away from the camera,” aniya.

Mukhang tanging si Duterte ang makakaayos sa gusot ng kanyang mga kapanalig. Kung hindi niya aayusin, hindi malayo na talagang magkakagulo sa naghaharing koalisyon at mauuwi sa laslasan ng lalamunan ang kasalukuyang sitwasyon.

***

NOONG Lunes na gabi, binanggit ni Duterte ang plano ng kanyang gobyerno na ibenta ang ilang piraso ng pag-aaring real estate sa Japon upang makalikom ng salapi na magagamit sa pagsugpo ng pamdenya. Hindi binanggit ni Duterte kung ano ang mga ari-arian bagaman alam natin na may pag-aari ang gobyerno sa distrito ng Roppongi sa Tokyo. Mayroon rin sa Ginza at Shinjuku.

Bahagi sila ng war reparations ng bansang Japon. Ibinigay ang mga ari-arian bilang pagharap ng Japon sa responsibilidad sa nakaraang digmaan kung saan nagbuwis ng maraming buhay ang mga Filipino at nawasak ang maraming ari-arian. Mayroon pinirmahan mga deed of donation sa mga ari-arian bago ito napasakamay ng gobyerno ng Filipinas.

May alinlangan kami kung maibebenta ni Duterte ang mga ari-arian. May duda kami na hindi ganap na nauunawaan ni Duterte ang mga background at detalye ng mga ari-arian. Nangangamba kami na mauuwi lamang sa lokohan ang anumang transaksyon sa mga iyan.

Una, may mga no-sale provision ang kanilang mga deed of donation. Hindi maaaring ibenta ng gobyerno ng Filipinas ang mga ari-arian na iyan sa sinumang third party. Hindi papayag ang gobyerno ng Japon na basta ibenta iyan. Hindi papayag ang Tokyo sa galawang korapsyon maibenta lamang ang mga iyan.

Noong 1987, may mga tao ang nagtangka na ibenta ang ari-arian sa Roponggi. Hindi natuloy sapagkat napag-alaman na hindi maaaring ibenta sa ilalim ng deed of donation sa pagitan ng Filipinas at Japan. Tumutol ang mga Laurel sa bentahan. Ngunit nabalitang may kinolekta ng downpayment sa bibili sana ng Roppongi property. Kung hindi magiging maingat, malamang na may magtangka na ibenta muli ang Roponggi property.

***

MAYROON resolusyon si Bato dela Rosa na siyasatin ang pagtanggal ng Facebook sa mga troll account ng Sandatahang Lakas at mga tagasuporta ni Sara Duterte na nakabase sa lalawigan ng Fujian sa China. Nangangamba kami na walang mangyayari sa imbestigasyon ng Senado sapagkat mali ng focus ng Senate inquiry “in aid of legislation.”

Mas maigi na bigyan ng atensyon ni Bato ang mga fake news na ikinalat ng mga troll account. Kapag itinuloy iyan, hindi kami magtaka kung iba ang paliwanag ng mga resource person na inanyayahan sa pagsisiyasat. Mas madidiin lamang ang AFP at Sara Duterte. Iiba ang takbo ng imbestigasyon. Kaunting utak naman, Mr. Senator.

***

QUOTE UNQUOTE: “Stop being a grammar nazi. English is a borrowed language. The best writers commit occasional lapses. Be lenient to mistakes.” – PL, netizen

“The grammatical lapses of those digoons are not lapses per se. They are virtually butchering the English language. They are reinventing English to become the language of uncivilized thugs and savages. It’s a different story. English is a borrowed language for Filipinos. We don’t expect everybody, or even the best among us, to speak and write perfect English. Somehow, we’re bound to commit occasional lapses. But butchering it because one happens to be a digoon is quite something that reaches the domain of lunacy.” – PL, netizen

“Jill and I send our thoughts to President Trump and First Lady Melania Trump for a swift recovery. We will continue to pray for the health and safety of the president and his family.” – Joe Biden

“Noong panahon ni FVR, may nagtangka na ibenta ang Camp Aguinaldo at ilipat na lang ang kampo sa labas ng Metro Manila. Pumalag si Jamby Madrigal noon. Kasi donation ng lolo niya iyan – si Don Vicente Madrigal na naging prewar senator at dikit kay MLQ. Sila ng mga Madrigal at Tuazon ang maraming real estate property noon sa Metro Manila. Hindi kung sinong Tal. Hindi natuloy kasi mayroon no-sale provision sa deed of donation ng Camp Aguinaldo. Hindi puede ibenta sa third party. Paliwanag ni Jamby na kapag hindi kaya ng gobyerno na pamahalaan ang kampo, itinatadhana na ibabalik na lamang ang property sa donor- Madrigal family. Sa madaling salita, hindi ganyan kasimple. Natigil ang bentahan kasi lumantad sa media ang no-sale provision.” – PL, netizen