Advertisers
Uso ngayon ang tanggalan. Animo’y virus din ito na tumatama sa manggagawa mula nang isailalim ang bansa sa hard lockdown dahil sa pandemyang COVID-19. Ayon sa opisyal na survey, mula Marso ay hindi bababa sa 10 milyon ang manggagawang naapektuhan, kabilang ang mga nawalan ng trabaho, naging floating ang status, hanggang sa wala nang mabalikang trabaho matapos ang anim na buwan.
Sa pag-aaral na ginawa ng ekonomistang si Joseph Lim, umabot sa halos 90% ng manggagawa ang naapektuhan ng pandemya sa ibat-ibang kaparaanan, kapwa sa pormal at impormal na sektor ng ekonomiya. Marami sa kanila ay hindi pa nakakabalik sa trabaho, ang iba naman ay tuluyan nang natanggal. Resulta ito ng mahigpit na lockdown na siya ring pinakamamahaba sa buong mundo.
Sa huling labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula 17.7% na unemployment rate noong Abril ay bumaba na ito sa 10% nitong second quarter. Sa aktwal na numero, ito ay katumabas ng 7.3 milyon na unemployed noong Abril na bumaba na sa 4.6 milyon nitong second quarter. Karamihan sa nakabalik na trabaho ay self-employment. Habang sa survey ng Social Weather Station nitong second quarter, mas mataas ang bilang, 45.5% ng adult population ng bansa ay unemployed. Katumbas ito ng 27.3 milyong jobless nitong Hulyo.
Magkaiba ang metodolohiya ng PSA at SWS sa isinasagawa nilang survey at sa matagal na panahon ay laging mataas ang ang bilang ng unemployed ng huli. Pero huwag na natin itong pagtalunan. Ang importante ay magkasundo sa malinaw na katotohanan na sobrang lala ng problema sa mundo ng paggawa sa panahong ito. Isipin na lang natin kung gaano kahirap ihakbang ng buhay ng pamilyang manggagawa na nawalan ng hanapbuhay.
Nananatili ang napakalaking bilang ng unemployed. Bukod pa ito sa malaking bilang ng nag-dropout sa labor force noong Abril ng bumabagsak ang labor force participation rate (LFPR) sa 56% mula sa 61% sa parehong buwan noong 2019. Ang inactive member ng labor force ay hindi na ibinibilang sa employed, unemployed, at underemployed. Kalakhan nito ay kababaihan.
At habang nangyayari ito, hindi malinaw kung paano at kailan makakabangon ang nagbagsakang industriya at nasisanteng mga manggagawa. Sa katunayan, tuloy-tuloy pang nangyayaring tanggalang ito na halos nanonood lamang ang gubyerno. Kalakhan ng bansa ay nasa GCQ at MGCQ na kategorya na pero hindi pa rin naaampat ang tanggalan. Umabot na ito sa mga EPZA ng Cebu at Southern Tagalog at kahit sa malalaking kompanya kung saan libu-libong manggagawa ang tinatanggal na hindi halos dumadaan sa tamang proseso.
Nagaganap ang tanggalang ito sa mga pabrika dahil sa ilalim ng Labor Code, may anim (6) na buwan lamang ang mga employer na ilagay sa floating status ang kanilang mga manggagawa. Nagtapos ang anim na buwan na ito nitong Septyembre. Dito na nagpasya ang maraming employer na tanggalin na lamang ang kanilang mga manggagawa kaysa palawigin ang kanilang floating status at managot sa batas.
Alam na alam ng DOLE ang paparating na problemang ito pero hindi nito ipinaglaban ang kapakanan ng manggagawa na makapabalik agad sa trabaho ng ligtas bago sumapit ang anim na buwan. Naging instrumento lang ito ng pleksibilisayson sa panahon ng pandemya sa halip na nakipaglaban sa tamang patakaran ng #BalikTrabahongLigtas sa loob ng IATF. Hindi rin ito prinoblema ng Palasyo na siyang nagpapalawig ng lockdown habang naghihintay ng bakuna.
Kung kaya’t sa usapin ng tanggalan o pagkawala sa pwesto, sa buhay ng manggagawa ito ay seryoso at totoo. Habang sa Palasyo at Kongreso, ang drama ng resignasyon ni Duterte at Cayetano ay pawang palabas lamang, isang dramang tunay.
Sa pabrika ay hindi nagbibitiw ang manggagawa pero tinatanggal. Sa Palasyo at Kongreso ay may anunsyong resignasyon, pero kung sino ang nagbibitiw, siya rin ang nagpapasya kung tatanggapin ito o hindi. Klasik ulit na onli in da Pilipins.
Dito sa Pilipinas ay sadyang magkaiba ang epekto ng pandemya sa pulitiko at manggagawa. Sa manggagawa ay totoo at malubha. Sa pulitiko ay drama at fake news.