Advertisers
LAGOT at hahabulin ni Manila Mayor Isko Moreno ang sinumang magtatangkang ibenta, bumili o pagkakitaan ang mga pinamimigay na libreng tablets sa pampublikong estudyante mula elementarya at high school.
Nagbabala rin si Moreno sa mga magulang na naghahangad na makakuha ng higit pa sa isa, gaya ng itinakda na one per household ni Manila Division of City Schools Superintendent Dr. Maria Magdalena Lim.
“Di nyo maaring ibenta ‘yan. Para sa anak ninyo ang mga tablets na ‘yan at hindi para pagkakitaan. Sinumang bibili ay maari ding makulong sapagkat property ng gobyerno ang mga tablets na aming binili. Pahiram ‘’yan hindi bigay,” pagliliwanag ni Moreno.
Sinabi ng alkalde na ang gadgets na mayroon ng kasamang SIM card na mayroon na ding karga na 10gb kada buwan ay pinapahiram lamang sa mga estudyante at ibabalik din sakaling maka-graduate na ang mga ito, upang pakinabangan din ng iba pang estudyante.
“’Wag nating pagnasaan ang isang bagay na di naman atin. Pag-ingatan natin dahil ipinagkatiwala ito sa atin at para sa ikalulugod ng susunod na gagamit,” dagdag ni Moreno.
Sinabi din ni Moreno na ang mga tablets ay hindi binigay para ariin ng estudyante dahil wala namang kasiguraduhan kung hanggang kailan ang pandemya at kapag naka-graduate na ang estudyante ay kailangan na ibalik ito upang pakinabangan ng iba.
Nabatid na may nakarating na ulat na may mga magulang na nagtatangkang makakuha ng higit pa sa isang tablet. Ang bagay na ito ay hindi hinihikayat ni Moreno at sinabing sisiyasatin ito ng pamahalaang lungsod at beberipikahin.
“”Panawagan sa ibang magulang na dumodoble. Malalaman at masisiyasat ‘yan ng gobyerno. Isipin natin pandemya. Makakalamang ka pero isipin mo me isang pamilya na wala dahil kinuha mo. Unfair ito. ‘Wag tayong manlamang dahil mabibisto rin ito,” giit ni Moreno.
Nanawagan ang alkalde sa lahat ng kinauukulan na sundin ang itinakdang alituntunin na isang tablet kada household para mas maraming mabigyan ang pamahalaang lungsod . Nakiusap din ang alkalde ng pang-unawa upang walang estudyanteng maiiwan sa ere.
Pinayuhan ni Moreno ang mga magulang kung mayroon silang tanong kaugnay ng paraan ng pamamahagi ng tablets na magtanong sa parents-teachers’ associations (PTA) o school authorities para mapaliwanagan ng tama ‘otherwise, tsismis ang makukuha ninyo.’
Ang city government ay bumili ng 137,210 tablets para sa mga estudyante at 11,000 laptops para sa mga guro, kung saan higit na P900 million pondo ang inilaan. Ang tablets ay may SIM cards na at mayroong buwanang 10GB data allocation para sa estudyante habang ang laptops para sa mga teachers ay mayroon namang kasamang pocket wifi units.
Ang mga tumanggap ng libreng tablets ay mga mag-aaral ng publikong elementarya at high school sa lungsod mula Kindergarten hanggang Grade 12, at ito ay bilang tulong sa kanilang blended, distant learning scheme sa ilalim ng pandemya. (ANDI GARCIA)