Advertisers
UMAYUDA sa pamamagitan ng material assistance sina Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna at social welfare department chief Re Fugoso sa may 148 pamilyang nasunugan sa isang residential area sa Sampaloc, Manila noong isang gabi.
Ayon kay Fugoso, sa utos ni Moreno ay agad na nagtayo ng pansamantalang tirahan sa Aranga Street para masilungan ng mga nawalan ng tirahan dahil sa sunog sa Sampaloc na nagsimula dakong alas-7 ng gabi at naapula ganap na alas-11 ng gabi.
Base sa inpormasyong nakarating sa tanggapan ni Fugoso, ang mga paglakalooban ng ayuda ng city government ay ang 148 pamilya mula sa Barangay 401 o 493 katao.
Sinabi ni Fugoso na ang nasawi sa nasabing trahedya ay isang nagngangalang Marjorie Sanchez, 52, na na-comatosed at kalaunan ay namatay din at nakatakdang iburol sa Barangay 407.
Si Michael Floranza, 37, ay sugatan naman nang mabagsakan ng electric wire sa kaliwang paa nito sa kasagsagan ng sunog.
Ayon sa Manila Fire Department, nagsimula ang sunog sa kanto ng Galicia at Aranga Streets sa Sampaloc. Ayon pa sa ulat ay nagsimula ito sa tatlong palapag na bahay na pag-aari ng isang Nora Nocedal, na nasa No. 616-F Aranga St.
Nahirapang magkarga ng tubig ang mga trak ng bumbero dahil malayo ang mga hydrant sa pinangyarihan ng sunog.
Tinatayang nasa P300,000 ang inisyal na halaga ng mga nasunog na ari-arian. (ANDI GARCIA)