Advertisers
Nauwi sa mabigat na kaso ang simpleng pagsita sa isang lalaki na walang suot na helmet habang nagmomotorsiklo sa Quezon City.
Kinilala ang naaresto na si Emmanuel Amutan, dating pulis.
Sa ulat, nakasuot ang suspek ng uniporme ng pulis kahit hindi na siya pulis, at nakitaan pa ng baril na natuklasan na nawawalang baril ng isang tauhan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police.
Ayon sa report, natiyempuhan ng mga tauhan ng HPG ang dating pulis, na walang helmet habang nagmomotorsiklo sa Camachile Overpass.
Nakasuot si Amutan ng fatigue uniform ng pulis, pero wala siyang naipakitang katibayan na awtorisado pa siyang magsuot ng naturang uniporme.
Bukod dito, nakita rin sa kaniya ang isang baril, mga magazine na loaded ng bala, at posas.
Nang sinuri ng Firearms and Explosives Office ang record ng baril base sa serial number nito, nagulat ang HPG sa kanilang nadiskubre.
Napag-alaman na 2018 pa nasibak sa serbisyo bilang pulis si Amutan. Ayon na rin sa kaniya, na-dismiss siya dahil sa grave misconduct.
Sinampahan si Amutan ng kasong usurpation of authority at illegal possession of firearms.