Advertisers
NATAGPUAN ang pugot na ulo ng isang traffic enforcer na isa ring Navy reservist na nakasilid sa isang ice box sa Sta. Cruz, Maynila Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Oliver Ignacio, residente ng Barangay San Roque, Navotas City, isang traffic enforcer at Navy reservist.
Sa ulat ng Manila Police District Station 11, 11:50 ng gabi nang makita ng mga tricycle driver na sina Jerwin Mirabueno at Jun San Diego ang ice box sa gitna ng kalye sa bandang Florentino at Torres Street.
Nang buksan ng dalawang tricycle driver ang ice box, doon nila nakita ang ulong pugot.
Sa tulong ng pinsan ng biktima na si Mary Anne Esguerra natukoy ang pagkakakilalan sa bikitma.
Sinabi ni Esguerra na dinukot nitong Huwebes ang kaniyang pinsan sa Navotas impounding area sa kahabaan ng C4 Road 4:45 ng hapon.
Nakatanggap rin daw si Esquerra sa kaniyang social media account ng larawan ng pugot na ulo ng biktima.
Agad nagtungo si Esguerra sa tanggapan ng pulisya upang ilahad ang insidente. Kasunod nito, sinamahan siya ng mga awtoridad sa punerarya at dito na nga niya kinilala ang kaniyang pinsan.
Sa imbestigasyon ng Navotas Police Station, tatlong kalalakihang sakay ng isang Montero na kulay itim ang dumukot sa biktimang si Ignacio nang sumagot ng tawag sa telepono.
Patuloy ang imbestigasyon ng MPD ukol sa motibo sa brutal na pagpatay sa biktima.(Jocelyn Domenden/Andi Garcia)