Advertisers
PINALAWIG pa ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ang muling pagsasagawa ng Speed Kicking Online Tournament kasama na ang mga karatig bansa sa Southeast Asia, maging ang ibang mga lugar sa buong mundo na unang nagsimula sa Pilipinas ngayong taon, na naglalayong patuloy na maitaguyod ang pampalakasan kahit pa may kinakaharap na krisis dulot ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.
Ibinabalik ng asosasyon ang ikalawang bersyon ng Speed Kicking tournament na ASEAN Taekwondo Federation Speed Kicking Tournament katapat na ang ilang mga bansa na parte ng ASEAN countries kabilang ang Myanmar, Laos, Singapore, Indonesia at Vietnam, kung saan host country pa din ang Pilipinas na inaasahang manggagaling ang bulto ng mga kalahok mula sa iba’t ibang clubs, schools at universities sa bansa na magsisimula sa darating na Sabado, Oktubre 3.
Inihayag ni PTA grassroots director at ASEAN taekwondo Federation (ATF) secretary-general Stephen Fernandez na nais nilang ipagpatuloy ang naging matagumpay na kampanya ng unang torneo na sinimulan sa bansa noong Hulyo, gayundin ang mabigyan ng pagkakataon ang mga Kyorugi jins na magsagawa rin ng sarili nilang torneo na binabase sa Poomsae events gamit din ang virtual platform.
“We can look forward on other aspects of training besides using online preparations. In this way we can also promote online instructional and virtual competition programs of the association and spearheading the program for the youth,” pahayag ni Fernandez, Huwebes ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports sa online virtual session na hatid ng Games and Amusement Board (GAB), PSC at PAGCOR. “It is something very new, something that was brought about by the Pandemic. It is an innovation in the sport, but it is really something for all the kids from the children, to cadets and juniors to enjoy,” dagdag ni Fernandez, na tumatayo ring Deputy Secretary-General ng PTA.
Bukod sa isasagawang ASEAN tournament, sunod ring ilulunsad ang Global Speed Kicking Championship sa Oktubre 23-25 na inaasahang lalahukan ng mga taekwondo jins sa 30-40 nation sa buong mundo, kung saan nagpahayag na ng kanilang pagsang-ayong sumali ang mga koponan mula sa Europa at North America.(Danny Simon)