Advertisers
Sa araw na ito, Oktubre 1, 2020, lalarga na uli ang palarong “legal na sugal” ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) – ang Small Town Lottery (STL). Magandang balita iyan sa mga kababayan natin umaasang yumaman sa sugal. Alam niyo naman ang nakararaming Pinoy, ang kanilang katuwiran ay “malay mo, baka suwertehin tayo”. Well, malay mo nga naman.
Pero siyempre, higit sa lahat na magiging masaya sa pagbabalik operasyon ng STL ay iyong mga gambling lord “bookies” ng STL maging ang ilan sa legal na operators nito na hindi lahat ng kubranza ay ipinapasok sa PCSO. Yes, sila-sila mismo ang nagbu-bookies kaya malaki ang nawawala sa PCSO.
Bagaman, hindi lang naman ngayon nagsimula o nagbalik operasyon ang STL simula nang pansamantalang itinigil ito noong Marso 2020 dahil sa lockdown sa bansa sanhi ng pandemya, at sa halip Setyembre 16, 2020 ay nagbukas na ito sa ilang lalawigan tulad ng Ilocos Norte at Nueva Vizcaya.
Pero ngayon araw, magsisimula na rin ang operasyon ng natitirang 53 STL areas.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma magbubukas na ang natitirang 53 STL areas matapos aprubahan ni President Digong ang 2020 revised Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Tandaan ha, ang ating mahal na Pangulong Digong ang nagbigay na ng basbas.
Siyempre dahil kaiiba ang panahon ngayon, pinaalalahanan ni Garma ang mga authorized agents corporation (AACs) na maging masunurin sa pagsunod sa mga alituntunin ng PCSO, lalo na sa aspeto ng health protocol ng gobyerno. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na nariyan pa rin ang nakamamatay na “veerus”.
Dagdag ni Garma, sa pagbukas ng STL, magkakaroon din ng standardized schedule ang lahat ng STL draws para sa winning combination nito.
Ang first draw ay tuwing 10:30 a.m.; second draw ay 3:00 p.m. at ang last at third draw ay 7:00 ng gabi. Kaya, tuloy-tuloy na ang pagyaman niyo mga kababayan este, ang pagtulong niyo sa mga kababayan natin nangangailangan ng “medical/hospital financial assistance”.. Ang ibig kong sabihin…sa bawat taya ninyong sentimo ay marami na kayong matutulungang mga kababayan natin. Batid naman natin kung ano ang misyon ng PCSO “charity”.
Ops teka nga pala, Madame Royina, clarification lang po. Hindi ko naman sinasabing ilegal ang Perya ng Bayan “Peryahang Bayan” na isa sa palaro ng ahensya. Alam kong legal ito dahil nga sa may prangkisa mula sa PCSO.
Matanong ko lang kasi…nang magbukas ang operasyon ng lotto nitong Agosto 2020, makalipas ang ilang araw/linggo ay nagbukas na rin ang operasyon ng Perya ng Bayan sa Metro Manila. Oo, legal ang Perya ng Bayan pero, binigyan niyo na ba Madame Royina ng go signal na magbukas na ito? Kung hindi man kayo Madame, may go signal na rin ba ang Pangulong Duterte para sa muling pagbubukas ng Perya ng Bayan katulad ng ginawa ng Pangulo sa STL?
Uli, hindi ko naman kinukuwestiyon ang legality ng PnB, batid ko ngang legal ito pero, hindi ba noong Pebrero 5, 2020 ay nagbaba kayo Madame ng isang kautusan na suspendido muna ang operasyon ng Perya ng Bayan “Peryahang Bayan”? Nasa website pa nga ng PCSO “PCSO.gov.ph” ang kopya ng memorandum para sa suspension ng operasyon ng PnB, kaya ang tanong ko ay binawi na ba ninyo ang suspension para sa operasyon ng PnB o Peryahang Bayan?
Binawi na po ba ninyo Madame Royina ang kautusan kaya, hayun nagpapalaro na uli sa iba’t ibang sulok ng Metro Manila ang Perya ng Bayan? Bukod sa nauna pa silang nagpalaro kaysa STL?
Sa Southern/Central Metro Manila, may larong PnB na. Oo nga’t legal ang PnB, may lisensiya kung baga pero, ang tanong ditto…ay may kautusan na ba mula sa PCSO na aprubado na rin ni PDigong ang operasyon nito? Bukod sa binawi na ba ninyo Madame ang suspension order niyo laban sa Peryahan Games?
Sa pagsaliksik ko sa website ng PCSO, wala po akong nakitang naka-post na memorandum para sa pagbawi sa suspension order bagama’t ang naroon pa rin ay ang suspension order na dated February 5, 2020…nakasaad dito ay “This is to inform the public that effective February 6, 2020, the operation of Peryahan Games is suspended until further instruction from the Office of the President. Pirmado po ni Madame Royina ang memorandum.