Advertisers
ANG pagwalis sa iligal na droga ang nagpapanalo kay Pangulong Rody Duterte noong 2016, matapos niyang ipangalandakan sa kanyang kampanya na pag naupo siya sa Palasyo… sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay wala nang bawal na gamot sa Pilipinas.
Ang pangunahing ahensiya na may mandato para walisin ang mga nagpapasok at nagpapakalat ng iligal na droga ay ang PDEA (Philippine Drug Enforcement Authority).
Sa lawak ng operasyon ngayon ng mga sindikato sa iligal na droga, partikular shabu, kailangan nila ng malaking pondo para malambat ang mga nasa likod ng kalakalan ng nakakabuwang na mga gamot.
Pero sa 2021 proposed budget ng PDEA na P4.9 billion, binig-yan lamang sila ng Department of Budget ng P2.7 billion. Kunsabagay mas malaki ito ng konti sa 2020 budget nila na P2.4 billion.
Ngunit ang P2.7 billion budget para sa PDEA ay napakaliit, puna ni Senador Ping Lacson na naging Chief PNP noong panahon ni President Joseph Estrada.
Oo! Maliit naman talaga ito para sa PDEA na nagdagdag ng mga tauhan, mga gamit at field offices para makorner ang mga nagpapakalat ng illegal drugs sa bansa.
Sabi nga ni PDEA Director General Wilkens Villanueva, sa sueldo palang ng kanyang mga tauhan ay almost P2 billion na, tapos operating expenses pa nila tulad ng paniniktik sa madudulas na mga miembro ng sindikato ng droga, pagmintina ng mara-ming K9 dogs, at pagpatayo ng mga provincial, district at regional offices.
Para matupad ni Pangulong Duterte ang kanyang pangarap na illegal drug free ang bansa, dapat bigyan ng sapat na pondo ang PDEA. Mismo!
***
Tama si Senadora Nancy Binay. Dapat nang magkaroon ng sariling bahay o tanggapan ang Bise Presidente tulad ng Presidente ng bansa.
Binanggit ito ni Sen. Binay habang tinatalakay ng Senado ang pag-apruba sa proposed budget ng Office of the Vice President ni Leni Robredo.
Ibinigay ng Senado ang proposed budget ng OVP na P723 million, matapos itong bigyan lamang ng DBM ng P679 million.
Sa budget na ito ng OVP, dito na kinukuha ang pasueldo sa staff, operating expenses at rental sa opis.
Eversince ay umuupa lang ng opis ang Vice President. Kung may sariling tanggapan ito, malaking tipid sa rental. Bakit hindi nalang sa loob ng Malakanyang ito bigyan ng opisina para libre upa na. Mismo!
Ang OVP ngayon ni Robredo ay nabigyan ng pinakamataas na audit rating ng Commission on Audit. Meaning nagamit sa tama ang taxpayers money, walang kinupit o binulsa si Leni at kanyang mga staff.
Again, panahon na nga para bigyan ng dignidad ang OVP, patayuan na ito ng sariling tanggapan malapit sa Palasyo. Mismo!
***
Namamayagpag ang ONLINE SABONG ng kilalang gambling lord na si Atong Ang.
Kahit noong magsimula ang lockdown ay hindi natinag ang online sabong ni Atong. Tuloy ang pasultada niya sa online. Ibang klase noh? Ikaw ba naman ang tanghaling “Presidential adviser on gambling”. Hehehe…
Limpak limpak ang kinikita sa online sabong nationwide hanggang ibang bansa. Ang pustahan dito ay sa GCash. Hanep!
Pero may sindikato rito sa online sabong, mga pare ko. Dahil ‘di nakikita ng personal ng mananaya ang quality ng mga nagla-labang manok. May malaki na ang kalaban ay maliit pero bano yung malaki. Ikaw na mananaya tataya ka sa malaki without knowing na ‘di pala ito marunong pumalo. Talo!
The best parin sa sabungan tayo maglaro. Mismo!