Advertisers
ANG paglalakbay tungo sa pagtupad ng ‘mission possible’ ng NORTHPORT sa PBA Bubble ay lumarga na kahapon..
Ang management, staff, coaches at players ng Batang Pier ay dumating na sa The Quest sa Mimosa, Clark, Pampanga para sa preparasyon ng kanilang ‘quest for glory’ sa restart ng Philippine Basketball Association (PBA) 45th Season Philippine Cup na pormal na aarangkada sa October 11 sa Angeles University Foundation (AUF) na nasa Angeles City.
Sinabi ni Northport General Manager Erick Arejola na kaiba ang kanyang nararamdaman sa kampanya ng koponan tungo sa new normal na format ng PBA bubble type ng mga laro katulad ng sa National Basketball Association (NBA).
“The feeling is great. Our coaching staff and players are raring to fulfill our ‘mission possible’ in quest for a best finish and the countdown fires up in Clark,” wika ni Arejola bago tumulak ang North Port pa-Norte sa Pampanga.
Lahat ng PBA teams ay tumuloy din sa The Quest sa Clark Freeport Zone kung saan ang safety at health protocols ay mahigpit na ipinatutupad para sa kapakanan ng mga players, officials at crews.
Sa panig naman ni team manager Bonnie Tan, siya ay optimistiko na ang koponan ay magpe-perfornm ng mas mahusay pa noong nakaraang season kahit na ang bagong galing na frontliner na si Robert Bolick ay di na muna kabilang sa Northport lineup para sa the Clark bubble sa payo ng doktor.
“We are hoping na mag- improve pa lalo kami ngayon dahil halos kumpleto na ang team. We’ll go for it!” bigkas ni Tan na siya ring head coach ng reigning NCAA champion Letran Knights.
Sina Jonathan Gray at Baldwin Guinto ay nagtamo rin ng injuries nitong nakaraang season pero naniniwala ang management na sila ay napagaling nang husto noong pandemic halt at ang kanilang pagbabalik-aksiyon ay malaki ang maitutulong sa koponan.
Sabik naman si head coach Pido Jarencio sa parating na conference partikular sa paghataw ng kanilang practice scrimmage bukas sa AUF Gym- ang site ng nakaraang 30th Southeast Asian Games Philippines 2019.
“Our primary goal is to be on top of condition for our players and maintain our rythm and timing going in time for the actions in the PBA resumption,” saad ni Jarencio. “This will be a short conference. Sa tingin ko, kung sino ang well prepared at well conditioned team ang mananaig dito”.
Ang Batang Pier ay babanderahan nina Christian Standhandinger, Moala Taotuaa, Stanley Pringle,Paolo Taha, Kevin Ferrer, Garbo Lanete, Ryan Arana, Jervy Cruz Nico Elorde, Russell Escoto, Lervyn Flores, Prince Ibeh, Jeremy King, Sol Mercado, Gray and Guinto.
Ang mga laro sa PBA bubble ay doubleheader araw-araw mula October 11 hanggang PH Cup championship bago mag-Christmas.(Danny Simon)