Advertisers
TAMPOK ngayon sa social media ang pagtawid ng isang college instructor sa sapa sa Tandag City, Surigao del Sur para mamigay ng reading materials na gagamitin sa distance learning nung Biyernes, Sept. 25.
Ayon kay Moises Palomo, 30, ang nakuhanang larawan, bahagi ng kanyang advocacy project na ‘Distance Learning Amidst Pandemic’ kungsaan namimigay sila ng reading materials sa remote areas sa kanilang lungsod.
Aniya, hindi niya alam na kinukuhanan na pala siya ng kanyang mga kasamahan.
“Nung namigay kami sa mga bata ng reading materials, then dumaan nga kami sa “katunggan” o may sapa. May tulay doon na kahoy at kawayan. Pagdaan ko, nabali ‘yung kawayan at may nalaglag na material. Kaya ‘yun, sinubukan kong abutin. Pero nalaglag ako,” kwento ni Palomo. “‘Di ko alam piniktyuran pala ako ng kasama ko, kasi natatawa sila. Ako kasi, minsan, ginu-good time ko ‘yung friends ko, kaya ayun.”
Ani Palomo, hindi niya inaasahang maraming matatawa sa eksena, at matutuwa sa kanilang sakripisyo bilang mga guro.
“Actually, nagulat talaga ako kasi ang daming nag-react… Madaming tumawa kasi nga buwis-buhay. At madaming naawa, siguro kasi naisip nila, it’s a picture of reality,” sabi niya.
“Ako kasi, pinost ko ‘yun kasi nakakatawa pala yung reaction ko, at for sure, good vibes, especially sa friends ko. Hindi ko in-expect, ang daming naka-relate.”
Kwento ni Palomo, nagsimula ang kanyang munting proyekto nang sumali sa isang local pageant sa kanilang lugar nitong Mayo, bitbit ang adbokasiya para sa karapatan sa edukasyon.
“Ako, as a teacher, gusto ko in line sa interest ko. Kaya, “distance learning”. Kaya, pinagpatuloy ko, kahit sa simpleng paraan,” pagbabahagi niya.
Aniya, kakaunti man sa ngayon ang kanyang naaabot na mga bata, isang hakbang na ito para matuto ang kaniyang mga kababayan.
“Actually po, sa barangay level pa. Bale, nasa starting point palang po kami. Konti pa lang po… If okay na po ang lahat [maabot], gusto ko mas marami pang mare-reach out na children, especially sa remote places,” saad ng guro.
Naniniwala si Palomo na ang edukasyon ay isang karapatan, at umaasa siyang matulungan sila sa kanilang lugar na maging abot-kaya ang edukasyon sa kabila ng pandemya.(PFT team)