Advertisers

Advertisers

MAYNILA, UMISKOR BILANG KAUNA-UNAHANG LUNGSOD NA MAY 2 RT-PCR LAB

0 304

Advertisers

MULING umiskor bilang kauna-unahang lungsod sa bansa ang Maynila sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Isko Moreno, na mayroong dalawang RT-PCR (real time-polymerase chain reaction) molecular laboratories na magkakaloob ng libreng swab tests sa halos isang libong katao araw-araw.

Si Moreno ay sinamahan nina Vice Mayor Honey Lacuna, na siya ring nangangasiwa sa pamamahala ng anim na pinatatakbong ospital ng lungsod at Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla sa pagpapasinaya sa nabanggit na RT-PCR molecular laboratory na matatagpuan sa first floor ng nasabing ospital.

Ang bagong bukas na lab ay pangalawa na sa Maynila. Ang una ay matatagpuan din sa second floor ng Sta. Ana Hospital at may kakayahan na sumuri ng 200 hanggang 250 katao kada araw.



Dumalo rin sa nasabing pasinaya sina Ayala Corporation chief executive officer Fernando Zobel de Ayala at Jaime Augusto Zobel de Ayala na siyang bumalikat ng gastos sa pagtatayo ng laboratoryo.

Ayon kay Moreno, ang pinakabagong COVID-19 lab ay siniyasat at inaprubahan ang operasyon ng mismong Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM), kung saan ang mga nagsiyasat ay pawang nagpahayag ng kasiyahan sa kanilang nakita.

Sa kanyang talumpati ay pinasalamatan ni Moreno sina President Rodrigo Duterte, DOH, the Department of Budget and Management (DBM) at Ayala Corporation sa pagtulong upang makamit ang layunin na magkaroon ng ikalawang laboratoryo sa lungsod upang higit na matugunan ang pandemya.
Ang state-of-the-art equipment ng laboratoryo ay magagawang makapag-swab test na may gold standard level, ng 1,000 katao gamit ang RT-PCR machine.

Ayon naman kay Dr. Padilla, ang bagong lagay na mga makina sa bagong laboratoryo ay kayang mag-produce ng 90 test kada oras at higit na mahirap kaysa sa unang laboratoryo.

Ang guguguling haba ng oras sa parehong laboratoryo sa pagproseso at paglabas ng resulta ay pareho lamang.



Ipinaliwanag pa ni Padilla na sa kaso ng unang laboratoryo, ito ay accredited bilang Xpert Xpress SARSCov2 testing lab. Ang buong sistema ay parang one-stop shop kung saan ang gagawin lang ay ilagay ang specimen sa cartridge, ipasok ang nasabing cartridge sa makina at babasahin na ito.

Sa ikalawang laboratoryo, ang pagkuha ng virus ay susundan ng amplification at iba pang proseso bago tuluyang basahin ng PCR machine.

Matatandaan na noong September 6, sina Moreno, Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang ay tumanggap ng donasyon na dalawang Sansure Extraction Machines.

Sinabi ni Ang na ang bawat isa ay may fully-automated nucleic acid extraction system at epektibong tutupad sa hangarin ni Moreno na makapagsuri ng mas maraming residente araw-araw gamit ang most accurate confirmatory method sa pamamagitan ng swabbing.

Samantala ay sinabi ni Moreno na ang Ayala Foundation at group of companies ang bumalikat ng gastusin sa pagtatayo ng laboratoryo na tinatayang umaabot sa P7.7 milyon. (Andi Garcia)