Advertisers
PERSONAL na alitan ang nakikitang motibo ng mga otoridad sa pananambang sa isang incumbent municipal councilor at mga kasamahan nito sa lalawigan ng Maguindanao.
Kinilala ang nasawi na si Morsid Midtimbang Lauban, 40, may asawa, Municipal Councilor ng Guindulungan, Maguindanao.
Sugatan naman ang dalawang kamag-anak nito na sina alyas Wahid at alyas Kamsa, mga security escort umano ng konsehal.
Matatandaan na habang lulan ang mga biktima sa isang Toyota pick-up mula sa Cotabato City nang pagsapit nila sa hangganan ng Guindulungan at Talayan, malapit sa Tambunan bridge, doon sila tinambangan ng mga armadong kalalakihan gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Mabilis na tumakas ang mga namaril sakay ng isang multicab.
Mariin namang kinondena ni Guindulungan Mayor Midpantao Midtimbang Jr., ang pananambang kay Councilor Lauban at dalawa nitong kamag-anak.
Mismo ang pamilya ni Konsehal Lauban ang nagsabi na tukoy na nila ang mga salarin at hahayaan na nila ang mga otoridad na mag-imbestiga.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.(PFT team)