Advertisers
AGAD na ipinatupad ni Manila City Mayor Isko Moreno nitong Lunes ang utos ng Office of the Ombudsman na isuspinde ang limang nagkasalang barangay chairman.
Ang limang barangay officials ay pinatawan ng preventive suspension sa loob ng anim na buwan ng walang sweldo ni Ombudsman Samuel Martires dahil sa iba’t-ibang pagkakasala tulad ng grave misconduct, serious dishonesty abuse of authority, at iba pa.
Ipinadala ni Martires ang kopya kay Moreno para sa agarang pagpapatupad ng suspension order.
Makaraang matanggap ng alkalde ang resibo ng kautusan ng Ombudsman, ay agad na nagpalabas ng memoranda si Moreno para agad na suspindehin ang limang barangay officials.
Si Barangay 123 chairman Mario Banal ay suspendido dahil sa grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, abuse of authority at gross dishonesty. Ang first kagawad na si Ricardo Caravana Jr. ang tatayong acting barangay chief.
Suspendido si Barangay 11 chairman Leonard Recto habang iniimbestigahan ang reklamo sa kanya sa tanggapan ni Interior Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño. Ang first kagawad na si Nelissa Reyes Ong ang pansamantalang mauupo bilang chairman.
Si Barangay 449 chairman Romeo Garcia ay nasuspinde bunga ng grave misconduct, dishonesty at conduct unbecoming of a public official. Si first councilor Nestor Mamaril ang hahalili sa kanya pansamantala.
Si Barangay 418 chairman Jonas Bartolome ay pinatawan ng suspensyon habang iniimbestigahan ang reklamo sa kanya kaugnay ng umano’y grave misconduct, serious dishonesty prejudicial to the best interest of the service, at abuse of authority. Ang first ranking councilor na si Teofilo Ferrer Jr. ang pansamantalang uupo bilang chairman.
Si Barangay 283 chairman Niño Anthony Magno ay pinatawan ng suspensyon dahil sa reklamo sa tanggapan ni Undersecretary Diño ng grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, abuse of authority, serious dishonesty at violation of Republic Act No. 6713. Si first councilor Alma Bacani ang pansamantalang tatayong chairman.
Sinaksihan nina Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang ang ginawang pagpirma ng alkalde kasama sina Manila Barangay Bureau chief Romeo Bagay at DILG Manila Field Office chief Atty. Rolynne Javier sa memoranda kontra sa limang barangay officials na ginanap sa regular directional meeting, Lunes ng umaga, September 28. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)