Advertisers
Siguro naman ay nabalitaan niyo rin ang walang habas na pagtanggal ng Facebook ng mahigit isang daang account na inaakala nitong gawa-gawa lamang para manghimasok raw sa pulitika o kaya naman ay kalabanin ang mga bumabatikos at mga kritiko ng pamahalaan partikular na ang teroristang grupo ng mga komunista na Communist Party of the Philippines at ang armado nitong grupo na New People’s Army (CPP-NPA).
Pinangalanan pa ng Facebook ang isang opisyal ng Philippine Army na si Captain Alexander Cabales, hepe ng Social Media Center na isa sa mga nagsisilbing administrator ng ibang bogus na account na kanilang tinanggal dahil nga raw sa mga kahina-hinalang mga komento, impormasyon atbp.sa mga post nito.
Kasama rin sa tinanggal ng Facebook ang lehitimong account ng Hands Off Our Children na samahan ng mga magulang na nawalan ng mga anak dahil sa pangre-recruit ng CPP-NPA.
Para sa iyong kaalaman, Mr. Nathaniel Gleicher ng Facebook, si Captain Cabales bilang hepe ng Social Media Center ng Army ang siya ring nangangasiwa ng Kalinaw News, isang online news na programa rin ng militar upang magbahagi ng mga balita na may kaugnayan sa mga ginagawa ng Philippine Army gaya ng pakikipaglaban nito sa terorismo, mga rebeldeng komunista at ang mga tulong na naibibigay nito sa mga komunidad sa mga kanayunan.
Kailanman ay hindi naging daan ang Kalinaw News para basagin ang teroristang komunistang grupo ng CPP-NPA, bagkus ay kasangkapan pa nga ito para malaman ng mga komunidad ang mga pangyayari sa kanilang mga kanayunan at kabundukan na pinamumugaran ng mga rebelde sa pamahalaan.
Isa pa si Cabales ay hindi rin ang “administrator” ng Facebook page ng Hands Off Our Children. Ito ay nabuo dahil sa pangungulila ng mga magulang na nawalan ng kanilang mga anak na bandang huli ay natagpuan nasa kamay na ng mga teroristang komunistang CPP-NPA. Karamihan sa mga kabataang na-recruit ng rebeldeng grupo ay napatay pa nga.
Ang Hands Off Our Children na account sa Facebook ng mga magulang na nawalan ng anak, ang tanging hingahan nila ng sama ng loob at pagdadalamhati. Ano ang naging bogus sa paghahayag lamang ng sama ng loob, Mr. Gleicher? May tama ka ba? Kaya ganyan ang iyong pag-iisip at sa isang iglap ay papayagan mo agad na alisin at ipagbawal ang ganyang mga account o pages sa Facebook mong pinagtatrabauhan.
Sa totoo lang, mas mataas at matibay ang Konstitusyon ng aming Bayan kaysa sa mga sinasabi ng inyong negosyong Facebook na palatuntunan o “standard”, kung hindi mo ito kinikilala Mr. Gleicher, ay maari na kayong magbalot-balot at lisanin na ang Pilipinas.
Kung dito ka magnenegosyo, kailangan mong galangin din ang mga batas dito. Kung tatanggalan mo ng karapatan ang aming mga kababayan maghayag ng kanilang mga saloobin sa inyong Facebook platform, eh hindi ka rin nararapat kumita ng bilyon-bilyong piso dito.
Sa iyong kapararakan Mr. Gleicher, at sa iyong pagiging arogante, dinadagdagan mo pa ang pighating nadarama ng mga magulang na ang mga anak ay napunta lamang sa kamay ng mga teroristang komunistang CPP-NPA.
Hindi kami titigil hangga’t hindi mo naiintindihan ang iyong pinaggagawa Mr. Gleicher, magkikita’t magkikita tayo, maging sa hukuman man.