Advertisers
“MAHIRAP magkasakit, ito ang panahon na litong-lito ang mga kababayan natin at hindi nila alam saan sila hihingi ng tulong.”
Ito ang mensahe ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go sa opening ng ika-84 na Malasakit Center sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales na isa ring COVID-19 designated hospital kung naka-confine ang mga kumpirmadong positive sa virus.
Ito ang unang Malasakit Center sa Zambales, ika-9 sa Region 3 habang ika-44 naman sa Luzon.
Sinabi ni Go na pangunahing layunin ng Malasakit Center ang mabigyan ng mas madaling access sa healthcare service ang mga Pinoy dahil hindi na kailangang pumila sa iba’t ibang tumutulong na ahensiya ng gobyerno ang mga walang pampagamot kung saan pinagsama-sama na iisang tanggapan ang mga kinatawan ng DOH, DSWD, PhilHealth at PCSO.
Samantala, sa kanyang live video message, hiniling ni Ho sa mga tapat na empleyado ng PhilHealth na ipagpatuloy ang pagsisilbi nang maayos para sa ikabubuti pa ng bansa at labanan ang korapsyon at ibigay ang pinakamaayos na serbisyo sa mga Pilipino.
Tiniyak din ni Go sa mga taga-PhilHealth na huwag silang mawalan ng pag-asa dahil batid naman na marami pa rin ang mga matitinong tauhan at opisyal ng ahensiya sa kabila ng pagkakabalot ng kontrobersiya nito.
Dagdag pa ni Go na ang tanging hangad lang naman niya ay malaman ang katotohanan, managot ang mga dapat managot, makasuhan ang mga sangkot at ma-dismiss at makulong ang mga guilty habang pagtulungan aniya na maibalik ang pera ng mga kababayang miyembro. (Mylene Alfonso)