Advertisers
NATAGPUANG naliligo sa dugo, tadtad ng mga saksak ang katawan tatlong kabataan sa ginagawang bahay sa Caloocan City, Linggo ng tanghali.
Kinilala ang mga biktima na sina Arjay Belencio, 22, estudyante; Glydyl Belonio, 23, nursing graduate; at Mona Ismael Habibolla, 22, nursing graduate, pawang residente ng Catmon St., Phase 1, Barangay 179, Amparo Subd., Caloocan City.
Ayon sa ulat, 12:30 ng hapon nang matagpuan ang mga bangkay at posibleng iisa lang umano ang gumawa ng krimen.
Nabatid na gumamit ang salarin ng dalawang patalim, isang kitchen knife at ice pick.
Ayon sa pulisya, isang kaanak ng mga biktima ang nag-utos kina Jhonny Aliansas, 30, may-asawa, panadero, ng Vanguard, Brgy. 178, Camarin; at John Roy Sarmiento, 20, binata, estudyante, ng parehong address, na puntahan ang nasabing ginagawang bahay dahil paulit-ulit nang tinatawagan ang mga biktima nguni’t hindi sumasagot ang mga ito.
Pagdating nila Aliansas at Sarmiento sa naturang bahay, nakakandado ang gate nito. Kaya binato nila ang bahay, nguni’t wala paring lumalabas o sumasagot. Inakyat ng dalawa ang bakod at pagpasok nila sa bahay, bumulaga sa kanila ang bangkay ng tatlong biktima.
Ayon sa otoridad, posibleng kakilala ng mga biktima ang salarin dahil walang palatandaang pinuwersang pasukin ang bahay.
Inaalam pa ang motibo ng pagpatay at pagkakilanlan sa salarin. (Beth Samson)